Makalipas ang halos pitong buwan, naaresto na ang lalaking tumaga sa mukha ng kaniyang misis sa Zamboanga del Norte. Ang suspek, pinipilit daw ang kaniyang misis na makipagtalik sa kaniya noong panahon ng lockdown.
Nitong nakaraang Hunyo nang unang maitampok sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang masaklap na nangyari kay Celia Elian sa kamay ng kaniyang mister na si Ben Jolian.
Isa lang si Celia sa maraming kababaihan na naging biktima ng domestic violence na sinasabing lumalala noong panahon ng lockdown dahil sa COVID-19 pandemic.
Kuwento noon ni Celia, nag-away at sinaktan siya ni Ben nang tumanggi siyang makipagtalik. Nagpasya na raw siyang iwan ang mister pero nagalit ito na humantong sa pananaga sa kaniya.
Bukod sa mukha, nagtamo rin ng malalalim na sugat sa ulo, braso at balikat si Celia, na himalang nakaligtas sa kabila ng nangyari.
Bagaman naghilom na ang sugat ni Celia, nananatili pa rin ang takot niya at ng kaniyang pamilya na baka balikan sila dahil nakatakas at hindi pa naaresto noon si Ben.
Hanggang sa madiskubre ng mga awtoridad na mayroon pa palang ibang kaso ng pagpatay na kinakaharap si Ben at mayroon na itong warrant of arrest.
Kaya naman nang matukoy ang lugar na kinaroroonan ni Ben, sumalakay sila at inaresto ang suspek.
Sa unang pagkakataon mula nang mangyari ang malagim na insidente ng pananaga sa kaniya, makayanan kaya ni Celia na harapin ang kaniyang mister at ituloy pa kaya niya ang kaso laban sa lalaki na dati niyang minahal? Panoorin ang video na ito ng "KMJS."
--FRJ, GMA News