Nangako si "Wowowin-Tutok To Win" host Willie Revillame na patuloy ang kaniyang gagawing pagtulong sa harap ng mga nararanasang krisis ng maraming Filipino dulot ng mga kalamidad at pandemya. Kasabay nito, nilinaw niya na wala siyang anumang inaasintang posisyon sa gobyerno.
Sa isang episode ng kaniyang programa, sinabi ni Kuya Wil na bibisitahin din niya ang Cagayan na matindi ring sinalanta ng bagyong "Ulysses" kapag nagkaroon siya ng pagkakataon.
"Kapag may pagkakataon na makapunta ako diyan, tutal puwede naman akong lumipad diyan," anang TV host.
Kamakailan lang, inihayag ni Kuya Wil na nagbenta siya ng sasakyan para may maibigay na tulong sa lokal na pamahalaan ng Marikina at Montalban.
Bukod dito, nagtungo rin at naghatid ng tulong ang TV host sa ilang nalanta rin ng bagyo sa Catanduanes. Bago niyan, nagbigay din siya ng tulong sa mga jeepney driver na natigil ang pasada dahil sa COVID-19 pandemic, bukod pa sa mga nabibigyan niya ng premyo sa kaniyang programa araw-araw.
Sabi ni Kuya Wil, ito ang panahon para tulungan ang gobyerno, dahil ang gobyerno ay ang mismong mga tao.
"Ito ang panahon na tulungan natin ang gobyerno, dahil ang gobyerno ay tayong lahat, ang mga tao ang gobyerno. Sama-sama tayo," saad niya.
"Sa totoo lang hindi ako nagmamagaling, wala akong balak na anumang posisyon o ano... hindi ko ho nasa isip 'yan," patuloy niya.
Ipinaliwanag niya na kaligayan niya at mga kasamahan niya ang pagtulong.
"Napakahirap na mayroon kang katungkulan sa gobyern dahil bawat galaw mo eh papansinin ka. Mas maganda na yung ganito po," pahayag pa ng TV host.
Giit pa niya, "Hindi ako nagmamagaling, hindi ako nagmamalinis, hindi ako nagyayabang. Gusto ko totoo lahat ng sasabihn ko at gusto ko nalalaman niyo." --FRJ, GMA News