Buwenas ang sakay ng isang bagon ng tren na nadiskaril sa riles dahil nailigtas siya sa tiyak na kapahamakan sa tulong ng estatwang buntot ng balyena sa Spijkenisse Station sa Netherlands.
Sa ulat ng Reuters, sinabing nasa hanggang 40 talampakan sana ang taas ng babagsakan ng bagon kung hindi ito "nasalo" ng buntot ng balyena na bahagi ng artwork sa lugar.
Wala namang nasaktan sa insidente at tanging ang driver lang ang nasa bagon.
Nataon na ang tawag sa estatwa ay "Saved by a Whale's Tale".
Matatanaw ng mga dumadaan ang nakabiting bagon mula sa kalsada ng Rotterdam.
Ilang netizen naman ang nagmukahing hayaan na lang ang bagon sa puwesto nito na dagdag palamuti sa estatwa.
Naniniwala ang mga lokal na opisyal na hindi na ligtas gamitin ang tram platform sa kalagayan nito.
Habang pinag-aaralan din kung papaano aalisin ang bagon na nakapatong sa buntot ng balyena.--Reuters/FRJ, GMA News