Nag-viral sa social media ang isang video na makikita ang isang lalaking nakababad sa tubig at biglang nilapitan ng dalawang buwaya. Ang sumunod na pangyayari, makapigil-hininga.
Sa isang video sa Twitter, na mapapanood din sa GMA NewsFeed, makikitang nakakapit sa kahoy habang nasa tubig ang lalaki nang lapitan siya ng dalawang buwaya.
Nagawa pang ngumiti ng lalaki sa umpisa, hanggang sa tila tinikman na siya ng isang buwaya.
Idinunggol kasi ng isang buwaya ang kaniyang nguso sa balikat ng lalaki at tila aatake na.
Sa takot ng lalaki na tuluyan na siyang sakmalin, kaagad na pinalo niya ang buwaya sa umahon sa tubig.
Ligtas naman ang lalaki at walang tinamong sugat.
Sa isang video naman ng Rod and Rifle Tackleworld Katherine, isang alligator ang nabingwit ng isang lalaki sa Australia.
Tila hindi kumakawala ang buwaya sa pain at nakikipaghilahan pa sa lalaki. Matapos ang ilang minuto, nakuha rin ng lalaki ang kaniyang pain sa pamingwit.
Kinokonsiderang "territorial" ang mga buwaya pero bihira umano ang naitatalang pag-atake ng mga ito sa tao.
Sa Pilipinas, may mga makikitang buwaya sa Palawan at Mindanao.
Sa Palawan, may naitalang 33 pag-atake ng mga buwaya sa nakalipas na 19 na taon.
Kamakailan lang, isang buwaya na halos 18 talampakan ang nahuli sa Tawi-tawi sa Mindanao.--Jamil Santos/FRJ, GMA News