Nasa 70 melon-head whales, na kapamilya ng dolphin, ang nakitang stranded sa dalampasigan sa magkahiwalay na barangay sa San Andres, Catanduanes. Sinikap na sagipin ang mga ito at itinaboy sa mas malalim na bahagi ng dagat.
Sa video ng GMA Public Affairs, sinabing natagpuan ang mga melon-head whales, na kapamilya ng mga dolphin, sa Barangay Bon-ot.
"Out of habitat" stranding is a phenomenon when pelagic (off-shore) species of cetaceans, like these melon-headed whales, for some reasons are found close to the shore and are likely to be at risk of being stranded," sabi ni Nonie Enolva, spokesperson ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.
Sinabi ng BFAR-Bicol, na maaaring biktima ng dynamite o blast fishing ang mga nasawing balyena.
Dagdag pa ng BFAR-Bicol, posibleng na-damage ang kanilang internal organs sa lakas ng pagsabog, base na rin sa kanilang mga tinamong sugat kaya dumugo ang kanilang blowholes, tainga at bibig.
"Such huge damage can only be caused by a massive shock wave that can be caused by an explosion or any other similar activity of equal intensity that created violent changes in water pressure," ayon kay Enolva.
Isinailalim na ang mga ito sa necropsy, habang nakabalik naman sa dagat ang iba.
Samantala sa kabilang barangay sa Agojo sa San Andres pa rin, napadpad din sa baybayin ang ilang dolphin.
Tila napansin ng mga residente na nasusugatan ang mga hayop habang pumupunta sa dalampasigan, kaya nagbayanihan sila para tulungan ang dolphins na bumalik sa dagat.
Ayon sa mga residente, hindi nakaalis agad ang mga dolphin at tila nahirapan ang mga ito.
Makalipas ang sampung minuto, nakalangoy na rin ang mga dolphin pabalik sa dagat.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News