Labis ang tuwa ng isang Pinay OFW matapos siyang regaluhan ng malaking halaga ng pera ng amo niyang Australian YouTube vlogger para mapag-aral niya sa kolehiyo ang kaniyang anak at makapagpagawa ng bahay.
Ayon sa vlogger na si Alex Hirschi, o mas kilala bilang si "Supercar Blondie," lumipad ang 50-anyos na si Avelina sa Dubai para magtrabaho at mapagtapos ng pag-aaral ang bunsong anak nito na nasa Pilipinas.
Hinangaan ni Hirschi ang sipag at dedikasyon ni Avelina sa trabaho.
"She's been working with me for two and a half years, and she does everything. She runs around town doing errands. She does the PA and admin work. She even cleans the office and she makes food for us all," kuwento ni Hirschi sa kaniyang Facebook page.
Ayon sa ulat ng GMA News, dalawa ang anak ni Avelina, na isang 29-anyos at isang 15-anyos.
"This is enough money to send your son to college or to help you build the house you want back home when you retire," sabi ni Hirschi kay Avelina habang inaabot ang isang bulto ng Dirhams.
"We appreciate so much that you've had to leave your family behind and work with us in order to earn money and take it back to your family so we just wanted to help you out a little bit," sabi pa ng Australyanong vlogger.
Labis-labis naman ang pasasalamat ni Avelina sa kaniyang amo na inilarawan niyang napakabait.--Jamil Santos/FRJ, GMA News