Laking gulat sa pagkadismaya ang isang college student sa Guimaras matapos niyang buksan ang karton ng inorder niyang laptop via online sa halagang P24,000 dahil tatlong pirasong bato lang ang nasa loob nito.

Ayon sa ulat ni Manal Sugadol ng "Stand for Truth" sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ng third-year BS Hospitality Management student na si Arthur Baylon ang P24,000 na ipinambili niya sa laptop ay mula sa pangingisda.

“No’ng nagsimula ang lockdown, ako na ang sumasama sa aking tatay sa pangingisda so ‘yung nakikita namin, tinitipon ko ‘yun lahat kasi pangarap ko talaga na magka-laptop para sakaling mag-online class, madali rin sa’kin makapuna ng aking mga gagawin sa school,” kuwento ni Arthur.

“Sa cellphone, hindi ka makakapag-multitask kagaya ng sa laptop na nag-o-online video chat kayo kasama ng mga teachers mo while doing something, nagta-type ka ng mga important matters. Kasi sa cellphone, one tab lang siya e,” dagdag pa nito.

Matapos makalikom ng sapat na pera ay umorder si Arthur ng laptop online.

Dumating ito matapos ang dalawang linggo.

“Binuksan ko ito sa karton niya, tumambad sa’kin una ‘yung mousepad. No’ng tumambad sa’kin ‘yung mousepad e di masaya naman ako, wala naman akong ano. Pero ‘yung in-open ko na talaga ‘yung box ng laptop na black, pagbukas ko pa lang ng karton ng charger, wala na siyang lamang charger,” aniya.

“‘Yun, kinabahan na ako. Pag-open ko ng sa laptop na talaga, ‘yun tumambad sa’kin ang tatlong bato. Kinabahan talaga ako. Iniisip ko ‘yung pamilya ko talaga kasi pera nila ‘yun e, pinaghirapan nila ‘yun,” kuwento ng estudyante.

Agad nilang isinumbong at pina-blotter sa pulis ang insidente.

“Nakakalungkot. Ang perang pinaghirapan namin, nasayang. Sa pagkahirap ng buhay, masama ang loob ko,” sabi ng ama ni Arthur na si Hernando Baylon.

“Mahirap kumita ng pera,” dagdag ng ina niyang si Diosa.

Itinanggi naman ng seller na bato ang ipinadala niya sa biktima.

Kalaunan ay ibinalik din ng seller ang pera ni Arthur.

Hindi pa rin malinaw kung paano nawala ang binili niyang laptop.

Pinayuhan ng isang e-commerce expert ang publiko na maging mapagmatyag sa online selling at buying.

“Make sure na basahin nating mabuti ang kanilang mga terms and conditions or buying guidelines para na rin po sa proteksyon niyo. Suriing mabuti kung legitimate business din ang inyong binibilihan,” ani ni Abbie Victorio.

“Ang pinakaunang rule ko ay lahat ng pumapasok or nadedeliver sa inyo picture-an niyo po, if possible na video, pagkadating pa lang… kung mapipicture-an niyo rin po ang rider na nag-deliver, ‘yun po ang proteksyon niyo,” dagdag pa niya.

Ayon sa Department of Trade and Industry, umabot na sa 13,500 na online transaction complaints ang natanggap nila sa gitna ng pandemya.-- Julia Mari Ornedo/FRJ, GMA News