Dahil sa kaniyang mga tattoo na mula ulo hanggang paa, naalis sa pagtuturo sa kinderganten ang isang 35-anyos na lalaking guro sa Paris, France nang magreklamo ang mga magulang ng isang batang estudyante.

Sa ulat ng Reuters, bukod sa bordado niyang katawan, may tattoo rin sa mukha at maging sa dila si Sylvian Helaine. Pinakulayan din niya ng itim ang kaniyang mga mata.

“All of my students and their parents were always cool with me because basically they knew me,” sabi ni Helaine.  “It’s only when people see me from far away that they can assume the worst.”

Pero nitong nakaraang taon, nagreklamo ang mga magulang ng isang kindergarten pupil sa Docteur Morere Elementary School sa Palaiseau, nang matakot daw at managip ang 3-taong gulang nilang anak matapos makita si Helaine.

At pagkaraan ng ilang buwan, pinagbawalan na si Helaine na magturo sa kindergarten pero patuloy naman siyang makapagtuturo sa mga Grade 6 pataas.

“I think the decision they took was quite sad,” saad ng guro.

 

Ayon sa tagapagsalita ng local education authority, ang desisyon ay nabuo dahil natatakot daw ang mga estudyanteng grade 6 pababa sa hitsura ni Helaine.

Sa kabila ng nangyayari, nais ni Helaine na manatili sa pagtuturo dahil mahal niya ang kaniyang trabaho.

Edad 27 raw si Helaine nang magsimula siyang magpa-tattoo habang nagtuturo sa isang private school sa London nang dumanas siya ng “existential crisis.”

At magmula noon, naging bahagi na ng buhay niya ang magpa-tattoo.

Umaasa siya na matatanggap din ng mga mag-aaral ang mga taong katulad niya na kakaiba sa mga karaniwang nakikita.

“Maybe when they are adults they will be less racist and less homophobic and more open-minded,” saad niya. --Reuters/FRJ, GMA News