Tinatayang 345,000 na condom na nagamit na, nilinis at muling ibinebenta na "bago" ang nakumpiska ng mga awtoridad sa Vietnam.
Sa ulat ng Reuters, sinabing ipinakita sa broadcast ng state-owned Vietnam Television (VTV) ang ilang dosenang malalaking bag na naglalaman ng mga condom na nasa isang bodega sa Binh Duong.
Umaabot umano sa 360 kilo ang bigat ng mga bag na naglalaman ng mga condom, ayon sa VTV.
Ayon sa may-ari ng bodega, nakatatanggap sila "monthly input of used condoms from an unknown person," sabi naman sa state newspaper Tuoi Tre.
Inihayag ng isang babaeng inaresto na pinakukuluan nila ang mga nagamit na condom, pinapatuyo, hinuhulma at saka ire-repack at ibebenta.
Nakatatanggap umano ang babae ng $0.17 sa bawat kilo ng recycled condom na kaniyang nagagawa.
Ayon sa VTV, hindi malinaw kung ilan ang recycled condom na naibenta na. --Reuters/FRJ, GMA News