Sa kagustuhang mamuhay nang payak sa nalalabing panahon niya sa mundo, pinili ng isang 89-anyos na pilantropo na ipamigay ang kaniyang yaman na umaabot sa $8 bilyon.
Sa exclusive report ng Forbes, sinabing ipinamahagi ni Charles “Chuck” Feeney, co-founder ng Duty Free Shoppers sa mga airport, ang kaniyang kayamanan sa pamamagitan ng pagdo-donate sa iba't-ibang organisasyon sa iba't ibang panig ng mundo gamit ang kaniyang foundation na The Atlantic Philanthropies.
Sa nakalipas na apat na dekada, nakapagbigay daw si Feeney ng $3.7 bilyon para sa edukasyon, mahigit $870 milyon sa human rights at social change campaigns, nasa $62 milyon na grants para alisin ang death penalty sa Amerika, $76 milyon para sa grassroots campaigns na sumusuporta sa pagpasa ng Affordable Care Act (Obamacare), at mahigit $700 milyon sa medicine at research tulad ng Global Brain Health Institute sa San Francisco, California at public health care sa Vietnam.
Nagbigay din siya sa kaniyang alma mater na Cornell University, para magtayo ng technology campus sa Roosevelt Island sa New York City.
Matapos ng apat na dekadang pamamahagi ng kaniyang kayamanan, opisyal nang isinara ni Feeney ang kaniyang foundation.
Ang tanging itinira niya, $2 milyon para sa kaniyang sarili at sa kaniyang maybahay na si Helga.
“We learned a lot. We would do some things differently, but I am very satisfied. I feel very good about completing this on my watch,” sabi ni Feeney sa Forbes.
Bukod sa kaniyang foundation, si Feeney umano ang nanguna sa kaisipan na “Giving While Living” kaugnay sa pagtulong.
“I see little reason to delay giving when so much good can be achieved through supporting worthwhile causes. Besides, it’s a lot more fun to give while you live than give while you're dead,” pahayag niya sa isang ulat noong 2019.--FRJ, GMA News