Patuloy ang pagtulong ng 2020 Sinulog Queen na si Monika Afable sa kaniyang lola sa pamamagitan ng pagtitinda ng "siakoy" o "pilipit" sa kanilang lugar sa Samar habang patuloy ang community quarantine.
Sa "Bright Side" ng GMA News and Public Affairs, sinabing sa kalsada muna rumarampa ngayon ni Monika para ilako ang mga siakoy o twisted donut at butsi sa halagang P5 kada piraso.
Gawa ng kaniyang lola ang kaniyang mga paninda.
"Ako naman po 'yung pumupunta sa bayan sa pagbili ng mga kailangan namin. Medyo matanda na si nanay (lola), ayoko na po siyang mapapagod," sabi ng mapagmahal na apo.
Tumutulong din si Monika sa pagmamasa ng harina at paghulma ng siakoy.
Dalawang punong container daw ang nabebenta niya araw-araw, na dagdag nila sa kanilang mga gastusin.
Dahil sa kaniyang kababaang-loob, binansagan din ng netizen si Monika si "Miss Humble Queen."
"Hindi naman po nakakahiya magbenta as long as wala kang ginagawang mali, wala po akong matatapakan na tao, wala po akong masasaktan," pahayag niya. --Jamil Santos/FRJ, GMA News