Magmula nang kumalat ang COVID-19 sa bansa, nananatili pa ring walang kaso ng COVID-19 sa isla ng Batanes. Ano nga ba ang mga aksyong kanilang ginawa para hindi makarating o malabanan ang virus sa kanilang lugar?
“Bago pa man magdeklara ng community quarantine ang NCR, maaga nang nagkaroon ng iba’t ibang pagpupulong ang task force. Maaga ring in-activate ang mga barangay health emergency response teams. Maaga rin kaming nagsara,” sabi ni Governor Marilou Cayco sa ulat ni Shai Lagarde sa "Stand For Truth."
Dagdag pa ni Cayco, nagtatag na ang Batanes ng COVID-19 monitoring and screening team sa Basco airport noong Enero pa lamang.
Naging mahigpit din ang mga awtoridad sa pagdating ng mga bumalik na Locally Stranded Individuals (LSIs). Kada 16 araw lang pinapayagan ang Philippine Airlines na bumiyahe sa Isla para magkaroon ng panahon sa 14-day quarantine period at isang araw para sa pag-disinfect ng mga pasilidad.
Tiyak namang malilibang ang mga LSI dahil mistulang "staycation" ang kanilang isolation sa mga resort na may overlooking view pa. Kaya naman mas madali sa kanila na kumpletuhin ang 14 na araw na quarantine.
Bukod dito, isinara muna ang Batanes sa mga turista para matulungan ang mga nawalan ng trabaho o negosyo. Ito ay dahil na rin sa kulang sila sa health facilities at frontliners kaya minabuti nilang magsara nang maaga.
Hindi naman nakalimutan ng Batanes ang bayanihan.
“Sobrang naapektuhan ang industry sa tourism dahil nga dito sa pandemic pero ang mahalaga, nakakabangon kami at saka tinutulungan kami ng provincial government makaahon kami sa aming pang-araw-araw na pangangailangan,” sabi ng tour guide na si Hilda Agsolid.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News