Matuto tayong magpasalamat at makuntento sa biyayang natanggap natin mula sa Diyos.
Kung minsan ang tao kahit tila nasa kaniya na ang lahat ng biyaya ay hindi pa rin siya masaya at nakukuha pa ring magreklamo. Ang pakiramdam niya ay parang laging may kulang pa.
Pumasok pa sa kaniyang iniisip na nilalamangan siya at ikinukumpara ang anomang mayroon siya sa pag-aari ng kaniyang kapwa.
Ganito ang ating mababasa sa Mabuting Balita (Matt. 20:1-16) tungkol sa kuwento ng mga nagtatrabaho sa ubasan. Patungkol ito sa mga taong naiinggit sa anumang bagay na mayroon ang iba at hindi marunong makuntento sa biyayang natanggap nila mula sa Diyos.
Alinsunod sa kuwento ng Ebanghelyo, ang pagtingin sa atin ng Panginoon ay pantay-pantay sapagkat ganyan ang pamantayan ng Diyos para sa lahat ng Kaniyang nilalang.
Subalit sa pamantayan ng tao, kung sino ang malakas, kung sino ang sipsip at malakas ang kapit ay iyon ang makakakuha nang higit na pabor.
Pero para sa Diyos, ang lahat ay Kaniyang binibiyayaan--mahirap man o mayaman, may kapansanan man o wala, makasalanan man o matuwid. Wala siyang itinatangi o walang diskriminasyon.
Ang lahat ay binibigyan ng Panginoon ng grasya at pagpapala ayon sa Kaniyang kabutihang loob. Ang lahat ay binibigyan ng pagkakataon. Kahit ang pinaka-pusakal na kriminal ay binibigyan Niya ng pagkakataong magbago kahit ang tingin ng iba ay wala na itong pag-asa.
Gayunpaman, may ilan sa atin ang hindi marunong makuntento at mahilig ikumpara ang kaniyang sarili sa iba. Hinahangad na laging mas maganda, mas marami at mas bago dapat ang sa kaniya kaysa sa iba.
Kaya mayroon mga tao na nakakagawa ng mga masamang bagay para lamang makalamang sa iba. Ang iba naman ay nababaon sa utang sa kagustuhang mapantayan ang anomang bagay na mayroon ang kaniyang kinaiinggitan.
Ang pakiramdam na para bang laging nilalamangan ay mababasa sa Ebanghelyo.
Parang bang hindi na marunong magpasalamat ang mga tao sa anomang biyayang ipinagkaloob sa atin ng Diyos.
Laging nasa isip na may kulang, nais na mas higit pa sana ang kaniyang natatanggap. Sa halip na magpasalamat sa biyayang nakamit, pagrereklamo pa ang pumapasok sa isip.
Kung tutuusin, dahil sa ating pagiging makasalanan ay hindi tayo dapat umasa sa biyaya ng Panginoon. Pero sa kabila nito, nandiyan palagi ang mapagpalang Panginoon upang ibigay ang ating mga pangangailangan.
Malaki man o maliit, matuto sana tayong magpasalamat at maging kuntento sa anomang biyayang ipinagkaloob sa atin ng Panginoon. At sa mga biyayang nakakamit, laging isaisip ang magbahagi sa kapwang nangangailangan.
Amen.
--FRJ, GMA News