Gaya ng kaniyang pangako, namigay na si Willie Revillame ng ayudang cash at bigas, at may kasama pang jacket sa mga jeepney driver na naapektuhan ng pandemiya nitong Miyerkules.
Sa ulat ni Allan Gatus sa Super Radyo DZBB, sinabing personal na nagtungo si Kuya Wil sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Quezon City para doon ipamahagi ang pera at mga sako ng bigas.
Willie Revillame, sinimulan na ang pamamahagi ng ayuda sa mga jeepney driver na nagtungo sa @LTFRB. | via @allangatus pic.twitter.com/H72C4CX5dD
— DZBB Super Radyo (@dzbb) August 19, 2020
Ayon naman sa mga lider ng iba't ibang transport group, nakatanggap din sila ng pinansyal na tulong na mula P200,000 hanggang P1.5 milyon.
Paghahati-hatian naman daw nila ang ayuda para sa kanilang mga miyembro.
Nagpunta rin ang ilang jeepney driver mula Navotas City, Manila at iba pang lugar, na hindi kabilang sa anomang asosasyon para pumila at humingi rin ng tulong sa tanggapan ng LTFRB.
MORE: Sako-sakong bigas, ibinibigay din ni Kuya Wil sa mga jeepney driver na nagtungo sa @LTFRB bilang ayuda. | via @allangatus pic.twitter.com/xgN6gM4592
— DZBB Super Radyo (@dzbb) August 19, 2020
Nabigyan din ng jacket ang iba pang PUV driver.
Willie Revillame, sinimulan na ang pamamahagi ng ayuda sa mga jeepney driver na nagtungo sa @LTFRB. | via @allangatus pic.twitter.com/y2dfa01A5E
— DZBB Super Radyo (@dzbb) August 19, 2020
Isinagawa ang pamamahagi bilang pagtupad ni Kuya Wil sa kaniyang pangako na maglalaan ng P5 milyon para sa mga jeepney driver na hindi makapasada dahil sa pandemiya.
Ang pamamahagi ay gagawin batay sa iba't ibang samahan ng mga tsuper.
Bago nito, may ilang jeepney driver na rin ang nauna nang natulungan ni Kuya Wil.
Sinabi rin ni Kuya Wil na simula pa lang ito ng kaniyang pagtulong sa mga driver at pag-iisipan niya kung saan makakakuha ng pondo para mabigyan din ng ayuda ang iba pang uri ng driver na hindi rin makapaghanapbuhay sa ngayon. --FRJ, GMA News