Walang hanggang ang pagpapatawad ng Diyos sa mga taong nagkakasala. (Matt. 18:21. 19:1)
Isa sa pinakamahirap na yatang gawin dito sa ibabaw ng mundo ay ang magpatawad ng taong nakasakit sa atin--pisikal man o maging sa damdamin. Dahil sa ginawa niya, hanggang sa pagtulog ay binubulabog pa rin nito ang ating isipan.
At naglalaro rin sa ating isip ay kung papaano makagaganti. Nais natin na makabawi. Ayon nga sa kasabihan: “Mata sa Mata at Ngipin sa Ngipin.”
Subalit hindi ganito ang aral na itinuturo sa atin ng Mabuting Balita (Matt. 18:21. 19:1). Sapagkat nang tanungin ni Pedro si Jesus kung ilang beses ba dapat patawarin ang kapatid na nagkasala, ang sagot ng Panginoon ay hindi lamang pitong beses kundi pitompung beses.
Ang pagpapatawad ay napakahirap gawin lalo na kung ang taong nakasakit sa atin ay nakikita natin na hindi naman lang nagsisisi o humihingi ng kapatawaran.
Subalit tandaan natin na ang pagpapatawad ay isang biyaya mula sa Diyos. Ang Panginoong Diyos na inilalarawan sa kuwento ay nakahandang magpatawad sa mga taong nagkakasala sa Kaniya gaano man kalaki at karami ang ating nagawang pagkakamali.
Binubura ng Diyos ang lahat ng ating kasalanan sang-ayon sa itinuturo ng Ebanghelyo katulad ng pagkansela ng Hari sa lahat ng utang ng kaniyang tauhan.
Ipinagkakaloob o iginagawad ng Panginoon ang biyaya ng pagpapatawad sa mga taong nagsisisi at humihingi ng kapatawaran sa Kaniya. Subalit alalahanin din natin na dapat maging taos sa puso ang ating pagsisisi sa nagawa nating kasalanan.Dapat taos din sa puso ang paghingi natin ng kapatawaran at sisikaping hindi na natin muling uulitin ang nagawang kasalanan.
Hindi madali ang magpatawad, na kung minsan ay maraming taon ang binibilang. Pero marahil ay magiging madali at magaang sa ating damdamin ang magpatawad kung matututunan natin ang pagiging maawaan at maunawain ng Panginoon para sa ating mga makasalanan.
Kapag natutunan na natin ang maawa ay doon na magsisimula ang pagpapatawad. Kung ano man ang kasalanan na ginawa ng taong nakapanakit sa atin, ipaubaya na natin sa Diyos ang kapasyahan para sa kaniyang ginawang masama. Maaaring kung hindi man dito sa lupa siya pagdusahan ang kaniyang kasalanan, baka sa kabilang buhay.
Manalangin tayo para sa mga taong nakasakit sa atin: Panginoon, patawarin po Ninyo ang mga taong nakasakit sa amin. Tulungan mo po kaming maawa para sa kanila upang matutunan namin ang makapagpatawad sa lahat ng nagawa nilang kasalanan sa amin. Bigyan Niyo po sana sila ng kaliwanagan sa kanilang isipan upang sila ay magsisisi at makapagbalik-loob sa Inyo. Amen.
--FRJ, GMA News