Dahil sa COVID-19 pandemic, mas dumami pa ang oras ng mga tao sa paggamit ng gadgets gaya ng mga naka-work from home set-up, mga naglalaro ng online games, pag-order via online, at pati na rin ang mga sasabak sa online classes. Pero paano kaya mapapangalagaan ang ating mga mata sa tinatawag na digital eye strain? Panoorin.
Sa programang Unang Hirit ng GMA News, ipinaliwanag ni Dr. James Luz, isang ophthalmologist, na ilan sa mga halimbawa ng digital eye strain ay ang headache, blurry vision, at dry eyes o paghapdi ng mata.
Sinabi ni Dr. Luz, na dapat na isang braso ang haba o 25 inches/70 centimeters ang layo ng gadget mula sa tao, at mas mababa ito ng apat hanggang limang inches sa eye level.
Dagdag ni Dr. Luz, dapat kapareho ng brightness ng gadget ang kapaligiran at hangga't maaari, 50% hanggang 70% level lamang ang gamitin at hindi 100% dahil magiging masakit na ito sa mata.
Siguraduhin din daw na magpahinga ng 15 minuto pagkatapos ng dalawang oras na paggamit.
Ipinayo rin ng ophthalmologist ang 20-20-20 rule, na 20 minutong paggamit sa computer, 20 segundong pahinga, at pagtingin sa layong 20 feet sa malayo ma-refocus at ma-relax ang mata.
Panoorin ang buong talakayan sa video. --FRJ, GMA News