Bumuhos ang tulong sa isang sapatero na nakatira sa pedicab, kasama ang kaniyang dalawang aso. Sa una, nag-alangan ba siyang tanggapin ang donasyong pera dahil hindi naman daw siya nanghihingi nang ibahagi niya sa GMA News "24 Oras" ang kuwento ng kaniyang buhay.
Sa ulat ni Mariz Umali umano sa "24 Oras" nitong Biyernes, inabutan na may inaayos na sapatos si Kimo Ranes sa gilid ng bangketa sa P. Naval sa Maynila.
Doon na iniabot ni Mariz ang perang donasyon pero nag-alangan si Ranes na tanggapin ito dahil hindi naman daw siya nanghihingi. Katunayan ang tangi lang niyang hiling sa naunang ulat ay matulungan siyang makauwi sa Iligan.
"Nahihiya lang po ako, naaabala po kayo... Hindi po ako makapaniwala," saad niya.
Pero nang ipaliwanag sa kaniya na tulong ito mula sa mga taong naantig ang damdamin sa kaniyang kuwento, naiyak na siya sa tuwa. Makatutulong daw ang pera para makaupa siya ng tirahan sa halip na sa pedicab lang natutulog kasama ang dalawa niyang alagang aso.
"Uupa ako ng bahay, kahit mumurahin lang, tapos maghahanap ako- patuloy 'yung ginagawa ko. Mahirap dito sa tabi-tabi po, eh. Maganda talaga may bahay ka sarili," sabi ni Ranes.
Bukod sa pera, may mga nagbigay din ng gamit at pagkain para kay Ranes at sa kaniyang mga alaga.
Inalok din siya ng trabaho ni Anne Umali, na may pagawaan ng sapatos sa Marikina para magkaroon daw si Ranes ng maayos na hanapbuhay.
Ang Cebu Police Provincial Office naman, handang sagutin ang pamasahe ni Ranes kung talagang nais na niyang umuwi sa probinsiya.
"Iba 'yung pakiramdam na makauwi kung makauwi ka at makasama 'yung pamilya. Kami na po ang sasagot. Pag-uwi niya doon sa Mindanao at pagbalik niya diyan sa Manila. Kung ano 'yung maitulong namin," sabi ni Police Major Junnel Caadlawon. --FRJ, GMA News