May kasabihan na, "mabuti pa ang pera may tao, dahil ang tao walang pera." Pero tila nasira ito nang makakuha umano ng P100 na papel na walang mukha ng dating presidente ang isang Youscooper na nag-withdraw sa ATM ng isang bangko.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing nagulat ang Youscooper na si " Earla Anne" nang makakuha raw ng pera mula sa ATM ng isang bangko na tila nabura ang mukha na dapat ay si dating Pangulong Manuel Roxas.
Nakapagpadala na raw siya ng mensahe sa bangko tungkol sa insidente at pinapabalik daw sila sa branch para makapagsagawa ng imbestigasyon.
Wala pang pahayag ang Bangko Sentral ng Pilipinas kaugnay nito.
Samantala, sa mga komento sa post ni "Earla Anne" sa kaniyang social media account tungkol sa naturang pera na "walang mukha," may mga nagtatanong kung talagang nangyari ang insidente.
Sa mga komento tungkol sa post ni Earla Anne", isang "Lyka Jane" ang nagpadala ng larawan ng P100 na perang papel na wala ring mukha ni Roxas.
Isang "Margot" naman ang nagpadala ng larawan ng kaniyang P50 na papel na bukod sa walang mukha ni Sergio Osmeña ay wala ring nakasaad na "50." -- FRJ, GMA News