Ilang beses nang pinagpiyestahan ng netizens ang mga post ng private messages o "convos" lalo na kung mga kilalang tao ang sangkot. Pero may pananagutang legal ba o puwedeng makasuhan ang mga nagpo-post nito?

Sa segment na #AskAttyGaby ng GMA show Unang Hirit nitong Huwebes, sinabi ni Atty. Gaby Concepcion, na maaaring maging paglabag sa Data Privacy Act ang pag-post ng screenshot ng mga private messages.

Lalo na umano kung lumalabas sa ipinost na mga private messages ang pangalan, larawan at iba pang sensitibong impormasyon tungkol sa isang tao.

Ayon kay Concepcion, hindi dapat ikinakalat ang impormasyon ng mga pribadong mensahe kung walang pahintulot mula sa taong nagpadala ng mga ito.

Idinagdag pa niya na kahit hindi tinukoy ang partikular na pangalan ng tao pero madali namang mahulaan gaya sa mga blind item, posible pa rin itong paglabag sa kaniyang data privacy at right to privacy ng taong nasa mensahe.

Paliwanag pa ng abogada, ang paglabag sa right to privacy ay maaaring magresulta sa kaso at damages sa ilalim ng Civil Code.

At kung nakasisira sa reputasyon ng tao ang pakay sa gagawing pagpapakalat ng impormasyon sa internet o social media, maaari itong mauwi sa kaso ng cyber libel.

Sa hiwalay na panayam naman nitong Huwebes, sinabi ni National Bureau of Investigation (NBI) chief Jaime Santiago, na maaaring makasuhan patungkol sa cybercrime ang sino man na magpapakalat ng private conversations ng mga tao.

"'Yung mga ano, private conversation tapos ipasasa public, eh depende po 'yun doon sa naapektuhan na tao kung gusto niyang habulin 'yung mga nagpo-post ng kanilang private messages," paliwanag ng opisyal sa panayam ng Super Radyo dzBB.

"Nasa sa kanila po 'yun, pupuwede po silang mag-file din ng kaso," dagdag niya.

Ang mga nais magsampa ng reklamo na may kaugnay sa cybercrime ay maaaring dumulog sa NBI Cybercrime Division o sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group.-- FRJ, GMA Integrated News