Mula sa pagiging disyerto, isa na ngayong marangyang lugar sa mundo na may mga matataas at naggagandahang gusali ang Dubai. Samahan si Jessica Soho sa kaniyang adventure sa bahaging ito ng Middle East na maraming Pinoy ang nakikipagsapalaran.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing ang Dubai adventure ang unang pasabog ng programa para sa ika-20 anibersaryo nito.

Mararating Dubai matapos ang siyam na oras ang biyahe sa eroplano. Ayon kay Jessica, tila nasa Pilipinas ka rin kapag nasa Dubai dahil sa dami ng mga Pinoy doon na nagtatrabaho.

Kabilang sa kaniyang pinasyalan ang pinakamataas na gusali sa buong mundo na Burj Khalifa. Mayroon itong 163 palapag, at siyempre, may mga Pinoy na nagtatrabaho.

Naglayag din siya sa Arabian Gulf sakay ng luxurious yacht na ang kapitan, isa ring Pinoy na si Raul Cariaga.

Tubong Sipalay sa Negros Occidental si Cariaga na nagsimulang magtrabaho sa Dubai noong 1992.

Nasulyapan din ni Jessica ang man made island na Palm Jureirah na tinitirhan ng mga tanyag at mayayaman.

Ang kaisa-isang seven star hotel sa mundo na Burj Al Arab, ginawa bilang alaala nila sa kanilang pinagmulan, at pinasyalan din ng Kapuso host ang "Old Dubai" na mamaaring sulyapan kung paano ang pamumuhay noon ng mga tao.

Kasama rin sa naging adventure ni Jessica ang camel ride sa disyerto at desert safari. Panoorin ang buong report sa video.--FRJ, GMA Integrated News