Lumabas sa pag-aaral ng isang consumer data analytics company na ang mga Pinoy ang "most sleep-deprived people" sa buong Southeast Asia. Kaya naman ang isang lalaking empleyado, aminadong malaki ang naranasang ginhawa nang malipat sa morning shift mula sa graveyard shift na trabaho.
Sa programang "Share Ko Lang" ng psychologist na si Dr. Anna Tuazon, ikinuwento ng 23-anyos na si Liam Atienza, isang dating working student na nagtatrabaho sa graveyard shift, na napansin niyang nakaaapekto ang pagpupuyat sa mental health ng tao.
"Sobrang ideal ng ganoong setup na lahat ay day jobs. Kasi siyempre... may mga kailangan tumao sa atin kahit gabi. So ayun, mahirap siya. And it's something na siguro it will be a part of society in the long run pero it's still unhealthy," sabi ni Atienza.
Naranasan ni Atienza noon na nagsisimula ang kaniyang trabaho ng 8 p.m. at ang pinakagabi ay 11 p.m., at makakauwi siya ng 5 a.m. o hanggang 8 a.m. Gayunman, hindi raw siya nahirapan dahil sanay naman siya sa puyatan noon.
Hanggang sa noong magkaroon ng pangalawang trabaho bilang assistant para sa mga realtor sa abroad, sumabay din ang pagbabalik ng physical classes kaya siya nahirapan.
"Minsan parang may conferences ako na umaga. After ng shift ko, didiretso na ako doon. Wala nang pahinga. Ang pahinga ko na 'yung pagligo ko," sabi ni Atienza.
"Dati nakaka-enjoy magpuyat, chill lang. Until, siguro embedded sa akin na mahihirapan ka talaga if you're forced to do something kahit alam mong sanay ka sa ganong set up," pagpapatuloy niya.
Dahil working student, ang mga oras sana niya para matulog, inilalaan pa niya para gumawa ng mga homework at deliverable sa work.
"So parang doon na ako nauga in a sense na, 'Ay! Ang hirap pala nito.' Parang 'wag na pala akong bayaran. Sige matutulog na lang ako. Parang dumating sa point na I feel undercompensated just solely because sleep felt like a luxury,'" anang binata.
Bukod dito, nalulungkot din si Atienza na wala siyang nakikitang mga tao sa graveyard shift.
"There's nothing productive in terms of, you know, knowing na papasok ko pa lang, tulog na 'yung iba. You're getting prepped for work, tapos na sila. They're getting prepared na to sleep and to rest. And at the time, 'Sana all' na lang ang nasasabi ko po," paliwanag niya.
Natapos din ang pagsubok ni Atienza sa graveyard shift, nang malipat na siya ng ibang trabaho na morning shift na.
"Mas mabilis 'yung araw talaga 'pag sa umaga ka nagtatrabaho. I work for the government na, so talagang naranasan ko na 'yung 8:00 am to 5:00 pm na job. Minsan, mag-overtime naman in a way, siguro latest na yung 7 or 8 p.m.," kuwento pa niya.
"Uuwi ka na lang po talaga para magpahinga. Parang makakampante ka na, alam mo 'yun, pagsakay mo sa jeep, may mga 'Pauwi na rin ito.' Talagang, makakampante ako na, 'Ay, magpapahinga ako. Kasama na ako,'" ayon kay Atienza.
"I've been, nag-aaral ako as a kid, talagang sanay ka sa umaga. Siguro, parang, there's a sense of normalcy na lang with how I handle my work now. And, ayun, mas productive talaga ako," dagdag niya.
Ano nga ba ang nagiging epekto sa tao kung puyat o kulang sa tulog? Panoorin ang buong talakayan sa video.--FRJ, GMA Integrated News