Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing hitik na namumunga ngayon sa Davao City ng durian, na itinuturing na King of Fruits. Kaya naman tumpok-tumpok ito sa mga kalsada, ikinakariton sa mga terminal at kaing-kaing na itinitinda sa mga fruit stand.

Sa Magsaysay Park, hile-hilera ng mga fruit stand at bumabaha ng bagsak presyo na durian.

Nakakamay kung kainin ng mga Davaoeño ang durian. Nilalagyan ng tubig ang balat nito at doon huhugasan ang mga daliri para hindi ito dumikit.

Para naman sa mga nagmamadali, nagbebenta rin ng durian meat na naka-tub sa halagang P250.

Ang mga durian naman sa taniman ni Jose Cubol sa Calinan, Davao City, pang-export quality at in demand sa China, na ginagawang smoothie at flavoring ng kanilang mga pagkain.

Dalawang klase ng durian ang naaani sa kanilang taniman:  Ang Durian puyat na mas malaki at mas makapal ang karne; at ang D 101 na mala-hugis puso at creamy ang laman.

Pitumpu’t pitong porsyento ng mga supply ng durian sa buong Pilipinas ay galing ng Mindanao.

“‘Yung soil dito kasi sa Davao is clay loom siya, which is ‘yun ‘yung suitable po sa pag-grow ng durian. Makapag-penetrate din masyado ‘yung roots niya sa soil kasi medyo buhaghag po siya,” sabi ni Arlene Tiwan, Regional Focal for Fruits, DA-11.

Sa Kidapawan City sa Cotabato naman, maaaring mag-unli mukbang ng durian sa halagang P150.

Bukod sa kinakamay, iniihaw din ito ng mga taga-Kidapawan para magkaroon ng smoky flavor at binubudburan pa ng cheese. Paandar ito ng Durian Boys na ang inihaw o ‘Sinugbang Durian.”

Dahil sa creamy ng laman ng durian, mainam din itong ginagawang candy at iba pang delicacies.

Sa Lake Sebu sa South Cotabato naman, pinag-isa ang cacao at durian na tinatawag na “durian cacao.”

Paliwanag ng cardiologist na si Dr. Alberto Atilano na mataas ang cholesterol content ng durian, ngunit hindi naman ito bad cholesterol o high cholesterol. Hindi rin nakatataas ng blood pressure ang durian, at mataas ang fiber content nito.

Tunghayan sa video ang kakaibang paraan sa pagpitas mula sa puno o pag-ani ang mga durian na may tusok-tusok ang katawan. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News