Ang simpleng katuwaan ng paligsahan sa pag-inom ng alak sa isang sitio sa Maragusan, Davao De Oro, nauwi sa trahediya nang mamamatay ang isa at na-comatose naman ang isa pa. Ano nga ba ang naging epekto ng alak sa kanilang katawan? Alamin.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing kapistahan noon ng Sitio Dhalia nang maisipan ng mga kalalakihang nag-iinuman na lagyan ng premyo na tig-P500 ang bawat pares na makakaubos ng isang bote ng 750ml na alak na may 40% na alcohol.
Ang premyo, itinaas pa sa tig-P1,000 ng vice president ng purok sa makakaubos ng isa pang bote ng alak.
Ang unang pares na kumasa sa hamon, ligtas na nairaos ang pag-inom ng dalawang bote ng alak.
Ang sumunod na pares, ang magkaibigang Arlon at Miguelito, na tila kapuwa nahirapan na agad na ubusin ang unang bote pa lang ng alak.
Hanggang sa dumating ang ikalawang bote, na hindi na nagawa ni Miguelito na ubusin ang tagay sa baso kaya ipinasa niya kay Arlon, na hirap na ring tumangga.
Pero sa huli, nagawa pa rin nila ang hamon, at nakaubos sila ng dalawang bote ng alak sa loob lang ng mahigit 20 minuto.
Ngunit hindi nagtagal, nagsuka na si Arlon at nagdugo ang ilong. Habang si Miguelito, nawalan na ng malay.
Dahil sa pag-aakala ng mga tao na lasing lang ang dalawa, hinayaan lang silang makatulog at magpahinga. Pero nang lumipas na ang ilang oras at hindi pa nagigising ang dalawa, doon na naalarma ang mga tao.
Si Arlon, pilit nilang ni-revive pero hindi na nasagip ang kaniyang buhay. Habang si Miguelito, comatose na isinugod sa ospital, na nilagyan ng "tubo" para masagip ang kaniyang buhay.
Ano nga ba ang kinalaman ng alak sa sinapit ng magkaibigan at sino ang dapat managot sa pangyayari na nauwi sa kamatayan ng isa? Panoorin sa video ang buong kuwento. --FRJ, GMA Integrated News