Marami ang humanga sa isang guro sa Batanes nang mag-viral ang kaniyang larawan at video nang akyatin niya ang flag pole sa kanilang paaralan para maisagawa ang flag raising ceremony.
Sa programang AHA!, ikinuwento ng viral na guro na si teacher Carol Figuro Dela Cruz, nagtuturo sa Savidug Elementary School, na luma na ang lubid sa kanilang flag pole kaya napatid na ito.
Nang malaman niya na napatid ito, inakyat niya ang flag pole para mapalitan ang lubid upang maikabit ang watawat para sa kanilang flag raising ceremony.
Inihayag din ni teacher Dela Cruz, na pangalawang beses nang napigtas ang lubid at siya rin ang nag-ayos noong unang masira ito.
Kinumpirma naman ni teacher Llewellyn Almeyda na si Dela Cruz talaga ang takbuhan nila kapag napipigtas ang lubid sa flag pole.
"Hindi naman kasi puwede na mga bata ang gagawa at alam namin na siya lang ang nakakagawa niyan. Kayang kaya niya talaga," saad ni teacher Almeyda.
Kung bakit mahusay umakyat ng flag pole si teacher Dela Cruz ay dahil mahilig daw talaga siyang umakyat ng mga puno kahit noong bata pa.
"Yun din po kasi ang ginagawa namin kapag pumupunta kami sa bukid. Yon po ang ginagawa naming libangan ng mga kapatid ko at mga kaibigan ko," kuwento ng guro.
Kaya hindi lang sa pag-aayos ng naputol na lubid sa flag pole maaasahan si teacher dela Cruz, kung hindi maging sa pag-ayat sa puno ng buko para kumuha ng bunga kapag nauuhaw.-- FRJ, GMA Integrated News