Pinapangambahan na mas lalala pa ang dami ng bilang ng mga mahihirap na Pinoy dahil sa pag-usbong ng bagong kategorya ng “mahihirap” sa bansa bunsod ng climate change. Paano nga ba palalalain ng nagbabagong klima ng panahon ang kahirapan ng mga Pilipino?
Naitala ng Philippine Statistics Authority noong 2023 na 22.4 percent ang poverty rate, habang ang OCTA Research ay nagsabing tumaas pa ito sa 42 percent sa unang quarter pa lang ng 2024.
Sa ulat ng “Need to Know,” sinabing lumabas sa pag-aaral ng Climate Change Commission na isa ang food security sa maaapektuhan ng climate change.
Ang Pilipinas ay binubuo ng mahigit 7,000 isla kung saan nakadepende ang kabuhayan ng 70 milyong Pilipino, kaya lantad sila sa climate hazards ng extreme weather events gaya ng bagyo.
Dagdag nito, agrikultura o pagsasaka at pangingisda ang pinagmumulan ng 8.6 percent ng kita ng Pilipinas. Ngunit dahil sa nagbabagong klima, posibleng maapektuhan ang isang milyong ektarya ng grassland.
Base naman sa pag-aaral ng International Rice Research Institute, posibleng bumaba ng 10 porsyento ang ani sa kada one degrees Celsius na pagtaas ng temperature, na katumbas ng P18.81 bilyon na nawawala sa agrikultura kada taon.
"Remember, ang Pilipino, ang main source of protein ay galing sa isda, galing sa ocean. So kapag walang intervention tayo, ang ating food security ay maapektuhan," paliwanag ni Secretary Robert Borje, Vice Chairperson at Executive Director ng Climate Change Commission.
"It's estimated that by 2030, if we don't do anything, if we don't intervene, if we don't have a plan, ang magiging impact nito ay 7.6 percent ng ating GDP by 2030, or halagang around P1.4 trillion ng GDP ang maaaring mawala. So, when it comes to the economics of it all, malaki ang potensyal na mawawala sa atin,” patuloy niya.
Sunod na maaapektuhan ng climate change ang workforce at employment.
“Apektado ang ating ekonomiya dahil ang ating workforce, around 25 percent or one-fourth, are fisherfolk and farmers. So, imagine na lang natin ang impact ‘pag hindi kumikita ang ating mga magsasaka or sila'y magkakasakit or kailangan i-convert ang kanilang lupa dahil hindi na ito productive. So, it's very important that we address this,” sabi pa ni Borje.
Isinaad naman ng United Nations na puwede ring makaapekto sa workforce ang climate-induced heat, kung saan isang porsyento ang mababawas sa working hours ng mga manggagawa sa taong 2025 dulot ng sobrang init.
Matatandaang noong Abril, umabot sa 47 degrees Celsius ang init, kaya pinagbawalang magtrabaho sa pagitan ng 12 p.m. at 3 p.m. ang maraming manggagawa.
Bukod pa ito sa mga bagyong nararanasan gaya ng bagyong Carina na naging super typhoon, na nanalasa sa bansa noong nakaraang buwan.
May epekto rin ang climate change sa water supply ng bansa. Base sa pag-aaral na ginawa ng World Research Institute, isa umano ang Pilipinas sa makararanas ng kakulangan sa tubig sa taong 2040.
Hindi pa rito kasali ang 90 percent ng mga Pilipino na uhaw sa malinis na tubig.
Upang tugunan ang problema ng climate change, gumawa ang gobyerno ng National Adaptation Plan, na magsisilbing framework ng iba’t ibang sektor para matugunan ang mga pagkukulang o palakasin ang iba't iba pang mga sistema na magdadagdag sa adaptive capacity bilang bansa, bilang local government unit, at bilang mga tao, ayon kay Borje.
Naglaan din ang gobyerno ng People's Survival Funds na mahigit P1 bilyon na maaaring gamitin ng local government units para sa mga climate change projects tulad ng pagtatanim ng mangrove forests.
Kasama rin sa programa ng gobyerno ang 4Ps na pag-unawa, pagpaplano, pagsunod sa polisiya at paghahanda.
“Kailangan baguhin natin ang ating pag-iisip. Kailangan huwag nating isipin na ang climate change ay isang bagay na walang solusyon," ayon kay Borje. "Kung tayo ay magko-commit at maintindihan natin ng ating phenomenon ng climate change, tayo nagpaplano, tayo ay sumusunod sa polisiya ng ating pamahalaan, may pagbabagong mangyayari.” --FRJ, GMA Integrated News