Dalawang taon matapos ang tagumpay na panalo ng Uniteam noong 2022 national elections, kinumpirma ni Vice President Sara Duterte nitong Miyerkules ang pagkalas niya bilang miyembro ng Gabinete ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.

Ilang buwan pa lang ang nakalilipas nang tiyakin ni Marcos na maayos ang relasyon nila ng kaniyang bise presidente, at inilarawan niyang "vibrant, still working, and still there" ang Uniteam.

Gayunman, ilang pangyayari ang nagpapakita ng lamat sa Uniteam hanggang sa magbitiw na si Duterte bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) at vice chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Balikan ang ilan sa mga pagyayaring ito sa "Uniteam."

May 19, 2023

Nagbitiw si Vice President Sara Duterte bilang chairperson at miyembro ng ruling party na Lakas-CMD, na pinamumunuan ni Speaker Martin Romualdez, pinsan ni Marcos.

Idinahilan ni Duterte sa pagbibitiw sa partido na hindi raw niya mapagsisilbihan ang bansa sa harap ng "political toxicity“ at "execrable political powerplay."

Nang araw din iyon, inalis sa pagiging Deputy Speaker si dating Pangulo at ngayo'y Pampanga Representatives Gloria Macapagal-Arroyo, na kaalyado ni Duterte.

May 21, 2023

May palaisipang post si Duterte sa Instagram post na nagbababala sa mga tao laban sa tinatawag niyang "tambalolos." Paliwanag ng bise presidente na ang tambalolos "in Bisaya may be interpreted as a joke. It may also be interpreted as an insult."

Sa nasabing araw, inihayag ni Romualdez may nagtatangka na guluhin ang Kamara at nais siyang tanggalin bilang lider ng mga kongresista.

June 5, 2023

Sa isang talumpati ni Duterte sa isang pagtitipon sa Department of Education, hindi niya binanggit ang middle initial ni Marcos na Romualdez, na apelido ng kaniyang pinsan na si Speaker Martin Romualdez.

“Hindi ko na banggitin ang middle initial niya… Apo [Pres. Marcos], alam mo ‘yan na mahal kita,” natatawang sabi ni Duterte, na umani ng tawanan sa mga dumalo sa pagtitipon.

September 25, 2023

Sa deliberasyon sa Kamara para sa 2024 budget, naging usapin ang paggastos umano ng tanggapan ni Duterte na Office of Vice President ng P125 milyon mula sa confidential funds noong 2022. Naubos umano ang naturang pondo sa loob lang ng 11 araw.
 
September 27, 2023

Inanunsyo ng mga lider sa Kamara na ililipat ang hinihinging P500 million confidential funds ng OVP sa security agencies na mas kailangan umano ng pondo.

October 5, 2023

Sinabi ni Duterte na ang mga galit sa confidential fund ay tutol sa kapayapaan, at ang mga tutol sa kapayapaan ay kalaban ng estado.

October 10, 2023

Tuluyang inalis ng Kamara ang confidential fund ng OVP at apat pang ahensiya ng gobyerno na umaabot sa P1 bilyon sa ilalim ng 2024 budget.

January 28, 2024

Sa prayer rally sa Davao City, tinawag ni dating Rodrigo Duterte, ama ni Sara, na “bangag" si Marcos at nais umanong maging diktador gaya ng ama nito na si Marcos Sr.

Iginiit din ng kapatid ni VP Sara na si Davao City Mayor Sebastian Duterte na dapat magbitiw sa puwesto si Marcos kung wala itong vision para sa bansa.

January 29, 2024

Itinanggi ng Philippine Drug Enforcement Agency ang alegasyon na sangkot sa paggamit ng ilegal na droga si Marcos.

Paalis din noon si Marcos patungong Vietnam at kapansin-pansin ang hindi pagbati ni First Lady Liza Marcos kay VP Sara sa airport bago sumakay ng eroplano.

January 31, 2024

Nagpasalamat si VP Duterte sa tiwala sa kaniya ng pangulo. Sinabi rin nito na hindi sa lahat ng pagkakataon ay sumasang-ayon siya sa pananaw ng kaniyang pamilya.

February 2024

Inihayag nina VP Sara at Marcos, na walang problema sa kanilang samahan sa pagdating sa trabaho.

"We have no problem with each other. President Bongbong Marcos and I are doing good. We are okay in terms of our relationship," paliwanag ni Duterte sa kanilang samahan ng pangulo.

Pero tumanggi si Duterte na magkomento tungkol sa ugnayan nila ni First Lady Liza Marcos.

April 13, 2024

Ipinagtanggol ni Marcos si VP Duterte tungkol sa mga puna na hindi ito nagbibigay ng pahayag tungkol sa ginagawang pagmamalabis ng China sa usapin ng West Philippine Sea.

April 18, 2024

Inihayag ni First Lady Liza Marcos ang sama ng loob niya kay VP Sara Duterte dahil sa mga pag-atake ng ama nito laban sa pangulo.

Tinukoy ni FL Liza ang umano'y pagtawa pa ni VP Sara sa pahayag ng ama tungkol sa alegasyon na "bangag" ang pangulo.

“For me, nasaktan ako because my husband will do everything to protect you. You ran together ‘di ba—sama sama tayong babangon muli,” sabi ni Gng. Marcos sa panayam ng journalist na si Anthony Taberna.

“Pupunta ka sa rally, tatawagin ‘yung Presidente mong ‘bangag,’ ‘di ba, you’re going to laugh? Tama ba ‘yan? Even Leni [Robredo] never did that,” sabi pa ng Unang Ginang, at inihayag na "bad shot" sa kaniya si VP Sara.

April 23, 2024

Sinabi ni Marcos na walang dahilan para alisin niya si VP Sara bilang kalihim ng DepEd kasunod ng naging pahayag ng kaniyang kabiyak laban sa pangalawang pangulo.

"Kapag hindi talaga marunong o corrupt, tatanggalin ka talaga namin. Hindi naman ganoon si Inday [Sara],” ani Marcos. ''Why? I don't see the reason behind that.''

June 2024

Nagbitiw si VP Sara bilang kalihim ng DepEd, hindi umano dahil sa kahinaan kung hindi dahil sa pagmamalasakit sa mga guro at mag-aaral.

“Mga kababayan, ang aking pagbibitiw ay hindi lulan ng kahinaan kundi dala ng tunay na malasakit para sa ating mga guro at kabataang Pilipino,” ani VP Sara, na magiging epektibo ang kaniyang pagbibitiw sa Hulyo 19.

Walang ibinigay na dahilan ang pangalawang pangulo kung bakit siya nagbitiw sa kaniyang posisyon sa Gabinete. --mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News