Bumuhos ang emosyon sa graduation o Moving Up ceremony ng Grade 10 students sa isang eskuwelahan sa Bohol nang patugtugin na ang tribute song para sa mga magulang ng mga mag-aaral na kanilang lalapitan. Pero ang isang binatilyong estudyante, napako sa kaniyang kinatatayuan dahil mag-isa lang siya at walang kasamang magulang.

Sa video na ipinakita sa GMA Integrated Newsfeed, sinabing sa pagtugtog ng tribute song, kinailangang tumayo mula sa kani-kanilang upuan ang mga estudyante at lalapit sa kani-kanilang magulang para hagkan at yakapin.

Pero ang binatilyong estudyante na si Carl, tila napako sa kaniyang pagkakatayo sa tabi ng upuan dahil wala siyang kasama.

Hanggang sa isang guro ang lumapit at yumakap sa nakayukong si Carl. Maya-maya pa, lumapit na rin sa kaniya at yumakap ang iba pang guro, pati ang mga kaibigan niyang mag-aaral.

Pero bakit nga ba mag-isa sa seremonya si Carl?

Paliwanag ni Durian Gonzales, ina ni Carl, sa bisperas ng Moving Up ceremony, isinugod sa ospital ang bunso niyang anak kaya hindi na niya nasamahan ang anak sa paaralan.

Hiwalay na rin ang mga magulang ni Carl.

"Siyempre po masakit po sa loob [ko], masakit sa damdamin kasi matagal kong hinintay 'yon," sabi ni Durian. "Naawa ako sa anak ko, lalo nu'ng napanood ko yung video. Parang nadurog yung damdamin ko."

Pupunta raw sana sa graduation ang mga tiyahin at lola ni Carl pero biglang lumakas ang ulan, at na-flat ang gulong ng motorsiklo na sasakyan ng mga ito.

Ayon kay Carl, nauunawaan naman niya ang nangyari pero hindi raw niya naiwasang malungkot nang pagkakataong iyon, lalo na nang patugtugin ang kanilang tribute song para sa mga magulang.

"Iniintindi ko po ang aking ina kasi mahal na mahal ko po siya,"saad ni Carl. "Alam ko naman na importante talaga yung bunsong kapatid ko."

Nakadagdag din sa kaniyang emosyon ang pagyakap ng mga guro at mga mag-aaral na hindi raw niya inaasahan.

Pagkatapos ng seremonya, pinasalamatan ng ina ni Carl ang mga taong nagmalasakit sa kaniyang anak.

Wala man siyang kasama sa paaralan, alam na ni Carl, alam na hindi siya nag-iisa.-- FRJ, GMA Integrated News