Mula nang magka-pandemic, nagsimula raw na bumigat ang timbang ng isang 18-anyos na babae na mula sa Nueva Ecija. Ang dating 75 kilos niyang bigat, umabot sa 106 kilos. Papaano kaya niya nagawang maibalik sa dati ang kaniyang pangangatawan? Alamin.
Sa programang "Pinoy MD," sinabi ni Maria Kesha Angeline Te, na mula nang bumigat ang kaniyang timbang, madalas na siyang nakatatanggap ng mga komento na, "tumataba ka na" at "lumolobo ka na."
"Napapansin na po kasi ng mga tao na lumulobo na ako, tumataba na ako. Nasasaktan po ako sa side comments tsaka negative comments na natatanggap ko," sabi ni Te.
Nag-umpisang bumigat si Te noong panahon ng pandemya, na kain at tulog lamang ang kaniyang ginagawa.
Binalewala lamang ni Te noong una ang komento ng iba. Ngunit pagtagal, hindi na rin nagkakasya ang kaniyang mga damit, at nagsimula na siyang ma-stress.
"I'm into fashion so 'yung mga damit na isinusuot ko dati, hindi ko na masuot ngayon. Siyempre po kasi kapag plus size, ang hirap pumorma," sabi ni Te.
Nang mawalan ng kumpiyansa sa sarili, nagdesisyon si Te na mag-no rice diet.
Sa kaniyang mga unang buwan, sinubukan ni Te na gawing isang cup lang ng kanin ang kaniyang kakainin kada meal. Dati kasi, nakakadalawa hanggang tatlong cup siya kada meal at apat na beses siyang kumakain sa isang araw.
Ngunit ayon sa general physician na si Dr. Jacqueline Ciron-Angeles, mahirap gawin ang isang cup ng kanin kada araw, lalo sa mga Pinoy.
"Rice is a form of carbohydrate, so kung titingnan talaga ninyo, ang pagtanggal ng carbohydrate as source ng pagkain natin ay for a brief period of time ay nakababawas ng timbang. Pero mahirap itong gawin dahil siyempre love ng Filipinos ang rice," sabi Ciron-Angeles.
Kaya naman hirap si Te na hindi magkanin noong una.
Dagdag ng mga eksperto, maaaring magkaproblema ang metabolismo kung sobra-sobra ang pagdidiyeta, at magdulot pa ito ng paghina ng katawan dahil kapos ang nutrisyon at enerhiya na nakukuha mula sa iba't ibang pagkain.
Ipinayo ni Ciron-Angeles ang "plate method" at "hand method."
Sa plate method, hahatiin ang plato sa dalawa. Ilagay sa unang hati ang mga prutas at gulay, habang ilalagay naman sa pangalawang hati ang carbohydrates (kanin) at protein.
Samantala sa "hand method," ginagamit namang pangsukat ang kamay.
Ang dami ng gulay ay kasinglaki dapat ng isang kamao, habang ang kanin ay kasingdami ng "cup position" ng kamay. Ang sukat ng palad naman ang sukat ng protein.
Bukod sa pagbabawas ng kanin, sinubukan din ni Te ang slimming coffee.
Gayunman, nagbabala si Ciron-Angeles na mayroong sibutramine ang slimming coffee, isang kemikal na bawal sa Pilipinas.
Nagreresulta ito sa Hypophagia o kawalan ng ganang kumain, at may detrimental effects sa kalusugan.
Kaya payo ni Ciron-Angeles, tiyaking walang sibutramine kundi mga organic ang sangkap ng iinuming slimming coffee.
Sinubukan din ni Te ang water fasting at walang ibang pagkain na kinakain.
Inamin ni Te na nakaranas siya ng pagkahilo sa water fasting.
"Hindi rin ako nagtagal sa ganu'ng set-up kasi hindi siya healthy talaga. Nakakapanghina po ng katawan" sabi ni Te.
Paliwanag ni paliwanag ni Ciron-Angeles tungkol dito, "Kapag water ang in-intake mo siyempre wala kang any form of energy or any form of starch that goes into the body. However, as I always say, it is okay if you take it for just a few days. But if you take it for longer time, what it does is nababago 'yung entire metabolism ng katawan mo at naaapektuhan ang storage mo ng fat at naaapektuhan ang storage mo ng protein at nasisira ang ating muscles and other parts of the body."
Pero na-achieve ni Te ang slim at fit na katawan sa regular na ehersisyo at pagkain nang tama at masustansiyang mga pagkain.
"Binabawasan ko po 'yung calories intake ko. Sa rice po nagko-kontrol ako, more on fruits and vegetables po ako. Mas marami po ang intake ko ng protein kaysa carbohydrates," anang dalaga.
Pagdating naman sa pag-e-ehersisyo, sinubukan niya ang cardio exercises.
Makaraan ang ilang buwan ng healthy diet at exercise, balik na si Te sa kaniyang dating timbang, at bumalik na rin ang kaniyang confidence sa sarili.
"Very happy kasi bawat patak ng luha, bawat tagatak ng pawis is nakikita ko na po 'yung result ngayon and nakaka-overwhelm lang kasi ang saya ko na hindi ako sumuko. Lalo ko pa pong pinatunayan sa kanila na I can do it," sabi ni Te.-- FRJ, GMA Integrated News