Kahit may iniindang problema sa kalusugan, nanguna pa rin sa 2024 Pharmacists Licensure Examination ang isang 25-anyos na lalaki na mula sa Margosatubig, Zamboanga del Sur.
Sa ulat ni Efren Yunting Mamac ng GMA Regional TV, sinabing si Rhedz-Wei Hadjula, na mula sa Universidad de Zamboanga, ang number 1 sa 1,185 passers ng naturang pagsusulit matapos makakuha ng 92.85 percent na rating.
Ayon kay Hadjula, hindi niya inasahan na siya ang mangunguna sa pagsusulit dahil "competitive" ang mga kapuwa niya kumuha ng exam.
Bunso sa limang magkakapatid si Hadjula, at mayroon siyang genetic blood disorder na tinatawag na "thalassemia."
Ang isa niyang kuya, mayroon ding thalassemia na dahilan para bumaba ang hemoglobin.
“My kuya din po may thalassemia to the extent na 'di siya nakapag-aral. Yung case ko naman medyo light, somehow there is this struggle din kasi we have to awake at night sa study ganyan pero tapos yung hemoglobin ko mababa,” paliwanag niya.
Ayon sa mga eksperto, ang thalassemia ay blood disorder na hindi kaya ng katawan na lumikha ng sapat na hemoglobin, na mahalaga sa red blood cells.
“If hindi po nakaka-produce ng enough na hemoglobin ‘yung katawan natin, siyempre po ang tendency, magiging anemic tayo. May mga kailangan lang talaga na frequent ang (blood) transfusion,” paliwanag ni Zamboanga City Medical Center (ZCMC) Medical Specialist IV, Dr. Shadrina Sarapuddin,
Nagpapasalamat si Hadjula sa suportang ibinibigay sa kaniya ng kaniyang pamilya sa mga pagsubok na kaniyang hinarap.
“There is this struggle also pero thankfully my sister, and everyone in my family keep track of my health,” ani Hadjula.
Payo niya sa mga kabataan, “Kung masaya ka sa ginagawa mo you actually won’t get tired. Just find yourself, keep your feet on the ground.”
Bukod kay Hadjula, dalawa pang kumuha ng pagsusulit na mula sa Universidad de Zamboanga ang nakapasok sa Top 10. Sina Faima Nain na no. 5 sa rating na 91.25 percent, at Rasheedkhan Jainal na no. 10 na may rating na 90.62 percent. -- FRJ, GMA Integrated News