Mahigit 20 kabataan ang nasa likod nang makabagong Senakulo ng simbahan, na nagtulong-tulong para mabuo ang senakulo na may layunun na mas marami ang maabot at mas epektibong maiparating ang mensahe ng buhay at pagpapakasakit ni Hesus.
Ayon kay Dondie Bernardino, tumatayong direktor ng Senakulo 2024, Setyembre 2023 nang simulan nilang paghandaan ang proyekto.
“Ngayong taon ikinonek namin, pinagtagpo namin ang kasaysayan ni Hesus at sa mga nangyayari sa panahon ngayon. Minarapat naming ibahin, i-improve yung story telling niya yung paraan ng pagkukuwento kasi baka magsawa yung mga tao,” paliwanag ni Bernardino.
Iniugnay nila ang mga kuwento ng debosyon at milagro ng mga deboto ng Mahal na Poon ng itim na Nazareno.
Noong Pista mismo ng Nazareno nila ginawa ang produksyon sa ilang eksena sa Senakulo kaya mas ramdam at makatotohanan ang mensahe ng kuwento.
Bagaman abala sa trabaho at pag-aaral ang mga kabataang gumanap sa senakulo, naglaan pa rin sila ng oras para kay Hesus.
Ito raw kasi ang paraan nila para maibalik sa Diyos ang mga biyayang ipinagkaloob sa kanila at sa walang sawang paggabay sa ano mang hamon ng buhay.
“Everytime na sumasali po ako, iba ung fulfillment na nararamdaman mo. Somehow it’s my way of giving back to the Lord [sa] all the blessings and graces that He gave to me. So talagang karangalam maging parte at kahit paano makatulong sa mga taong manonood na mapalapit at mas makilala nila ang Panginoon,” sabi ni Mary Faith Garrate, kabilang sa mga gumanap sa Senakulo 2024.
Ilang taon na ring gumaganap na Hesus si Rick Payumo sa kanilang baranggay, at ngayong taon siya ang gaganap na Hesus sa senakulo ng St. John Bosco Parish.
Mabigat daw itong responsibilidad pero tinanggap niya nang buong-buo.
“Naniniwala po ako sa Kanya. Gusto ko pa pong mapalapit sa Kaniya pa lalo,” saad niya.
Sa pamamagitan daw ng pagsasadulang ito ng simbahan mas makakapagnilay-nilay daw ang bawat isa, ayon kay Fr. Gaudencio Carandang Jr., SDB, Parish Priest/Rector, St. John Bosco Parish-Tondo.
”Ang napakaklarong mensahe na gusto namin ipaabot sa Senakulo 2024 ?y ang kaisipan ng mga tao na kahit anong mangyari sa iyo kasama mo ang Diyos. Kasi kalimitan ang makikita sa aming palabas madaling kumapit sa Diyos kapag masaya ang lahat, paano kung hindi? Kaya ang mensahe ng lagi kong sinasabi hanggang kailan ka kakapit sa Diyos,” pahayag ni Fr. Carandang.
Maaring mapanood ang pagtatanghal ng Senakulo 2024 sa social media page ng St. John Bosco Parish-Tondo at sa kanilang simbahan sa Biyernes Santos. -- FRJ, GMA Integrated News