Sa halip na maging pouty at plumped, namaga at nangitim ang mga labi ng isang content creator na kumasa sa #KylieJennerChallenge matapos siyang gumamit ng suction tube at lip plumper na nabili niya online. Bumalik pa kaya sa normal ang kaniyang mga labi, at ano nga ba ang tamang paraan para maging pouty ang lips. Alamin.
Sa porgramang “Pinoy MD,” ipinakilala si Eys Hombre, na kinakasahan at achieved ang lahat ng nauusong challenge online.
Hanggang sa nakita ni Hombre ang Kylie Jenner challenge, o ang pagpapakapal ng labi gaya ng sa American socialite at businesswoman na si Kylie Jenner.
Unang ginamit ni Hombre sa kaniyang challenge, ang isang suction tube equipment na nabili niya online.
Gayunman, hindi niya alam kung ilang minuto niya dapat ibabad ang kaniyang mga labi sa tube, kaya hinayaan niya lamang na masipsip ito.
Nang alisin, sahlip na maging pouty, namaga at nangitim ang mga labi ni Hombre.
“Hindi ko alam na ganu’n na pala kalala kasi sa sobrang pagkalobo ng lips ko nu’n, hindi ko na nakita ‘yung gilid ng lips ko na magang-maga na,” sabi ni Hombre.
Sa ikalawa niyang pagsubok sa lip plumper na hugis-isda, sa halip na maging soft and kissable ang kaniyang lips, nagmistula siyang nabugbog.
“One week akong maga ‘yung lips. Hindi ako makalabas ng bahay. So lesson learned, hindi ko na talaga siya uulitin,” sabi ni Hombre.
“It uses a suction or vacuum. Doon sa negative pressure, nagkakaroon ng vasodilation. Ibig sabihin, lumalaki ‘yung blood vessels ng blood natin, so nagkakaroon ng blood flow over that area. It creates the plumping effect,” paliwanag ni Pecolera-Salvosa.
“So if you will use the vacuum or the suctioning or the pressure sa lips for a certain period of time, kunwari matagal, like more than an hour, so it's not that safe anymore,” sabi pa ng eksperto.
Dagdag pa ni Pecolera-Salvosa, kung tumagal pa ang paggamit sa suction tube, maaaring mamatay nang tuluyan ang labi ni Hombre.
“If prolonged use of these devices, plumbing devices, vacuum devices, it may lead to hematoma. As you can see sa video, nangitim na ‘yung labi niya. Namumuo ‘yung dugo kasi nga masyado siyang congested. Kunwari sobrang tagal talaga, baka mamatay ‘yung lips or ‘yung part na ‘yun,” sabi ng cosmetic surgeon.
Nang suriin ang mala-isdang lip plumper, nakita ni Pecolera-Salvosa na matigas ito at gawa sa silicone, na magdudulot ng irritation. Hindi rin ito tugma sa natural shape ng mga labi ng isang tao.
Payo ni Pecolera-Salvosa, isa sa mga panandaliang solusyon para sa plump lips ang oil o lip gloss.
Pangalawa ang hyaluronic o medical grade fillers, na mabisa para sa halos isang buong taon, at nagkakahalaga ng P25,000 per syringe.
At kung buo ang loob at gustong gawing permanente ang plump lips, may mga cosmetic procedure na maaaring subukan sa presyong P50,000 hanggang P70,000.
Payo pa ni Pecolera-Salvosa na mahalagang magpakonsulta sa lisensyadong esthetician o cosmetic surgeon para matiyak na ligtas ang procedure.
Maibalik pa kaya sa dati ang namagang mga labi ni Hombre? Anu-ano nga ba ang ilang paraan para mapangalagaan ang mga labi? Panoorin ang video ng "Pinoy MD." --FRJ, GMA Integrated News