Limang buwan ang ginugol ni Nina Bantoto sa paglikha ng kaniyang makukulay, detalyado at naggagandahang obra para sa kaniyang panibagong art exhibit.

Sa pagpipinta idinadaan ni Nina ang pagpapahayag ng kaniyang damdamin. Acrylic paint in canvas ang medium na ginamit niya sa kaniyang mga obra na makikita sa kaniyang ikalawang solo art exhibit.

Tampok sa kaniyang art exhibit na “Enter the Dragon,” ang 12 Chinese Zodiac signs, na isa sa mga hilig niya.

“Mayroon siyang fixation or obsession sa 12 Zodiac animals. When she talks to people [itinatanong niya] 'what’s your name? Anong year ka pinanganak?' Alam niya agad anong zodiac animal mo," pahayag ng proud mom na si Arlene Bantoto.
 
Makikita sa mga obra ni Nina ang kaniyang magiging masayahin.

“I like painting and drawing at the same time while listening to music,” saad niya.

Labis naman ang kasiyahan ng kaniyang mga magulang na sina Arlene at Lord tuwing pinagmamasdan ang mga likha ng kanilang anak at sa kaniyang narating sa larangan ng nakahiligang sining.

Naalala pa raw ni Lord noon maliit pa si Nina na hindi ito tumitingin sa kaniyang mga mata at tahimik. Ngayon, ibang-iba na raw si Nina na very vibrant, very joyful, at very friendly na nakatataba ng kanilang puso.

Tatlong taon lang si Nina nang ma-diagnose siya na may autism. Hirap man magsalita noon, nakitaan ng mga magulang na may interes siya sa pagguhit na kanila namang sinuportahan.

Nakagawa na rin si Nina ng exhibit sa United Nations at Philippine Consulate sa New York, at Macau.

Bukod sa pagpipinta gamit ang acrylic paint, watercolor, charcoal at colored pencils, gumagawa na rin siya ngayon ng digital art.

Umaasa ang pamilya ni Nina na sa pamamagitan ng kaniyang artwork ay maraming ma-inspire at ipagpatuloy ang pag-abot sa kanilang pangarap.

“Blessed kami with Nina and blessed kami with her talents so parang it’s only right na parang kailangan naming i-share the blessings," ani Lord.  

Ang bahagi sa kikitain sa solo exhibit ni Nina ay mapupunta sa REACH Foundation, na isang non-profit organization na tumutulong sa mga pamilya at bata na may disabilities na nasa malalayong lugar, at nagbibigay ng libreng occupational, physical at speech therapy.

Makikita ang solo exhibit na “Enter the Dragon” ni Nina hanggang February 15 sa Galerie Joaquin sa Podium Mall sa Ortigas Center, Mandaluyong City.  -- FRJ/KG, GMA Integrated News