Bukod sa magandang bahay ng pamilya, nagpagawa rin ng tree house na nakatayo sa puno ng acacia ang isang lalaki sa Tarlac. Ang tree house, inspirasyon daw ng lalaki sa dati nilang tirahan noon bata siya na tagpi-tagping kubo na parang liliparin kapag bumagyo nang malakas.
Sa programang "i-Juander," ipinakilala si Edgardo Zuñiga Jr. na isang civil engineer, na nakatira sa Ramos, Tarlac.
Ayon kay Edgardo, nakitaan niya ng potensiyal ang puno ng acacia na 15 taon nang nakatayo sa likod ng kanilang bahay.
Dahil gusto niyang magkaroon sila ng "lungga" ng kaniyang anak, naisipan niyang gumawa ng tree house na siya ang nagdisenyo.
Nagawa ang tree house sa loob lang ng dalawang buwan, at umabot ang gastos sa P250,000. Gawa ang tree house sa bakal, pvc, pawid, tiles, at iba pang materyales na retaso o sobrang materyales mula sa mga naging proyekto niya.
Dalawang palapag ang tree house na may high cieling, may higaan, banyo, car park, at attic.
Pangarap daw ni Edgardo na magkaroon ng bahay sa gubat, at naging inspirasyon din niya sa tree house ang dati nilang bahay noong bata siya na tagpi-tagping kubo.
Kuwento niya, mahirap ang kanilang buhay noon. Labandera ang kaniyang ina, habang magsasaka na walang sarili lupa kaya nakikisaka lang ang kaniyang ama.
"Ang bahay talaga namin literal na bahay kubo, na tagpi-tagpi. Kapag umulan, para kang nasa silong ng mangga," sabi niya.
Ayon kay Edgardo, sinasahod ng kaniyang ina ang tumutulong tubig sa loob ng kanilang kubo gamit ang timba, kaldero at kung ano-ano pa.
"Kapag bumabagyo natatakot kami, parang liliparin yung bubong, bintana. Lahat ng parte ng bahay basically nakatali 'yan kapag bumabagyo," kuwento pa niya. "Walang sense of safety sa bahay noon."
Ang naturang karanasan ang naiisip niyang dahilan kung bakit naging mahilig siyang maglaro at kunwaring gumagawa noon ng mga bahay.
Para maipagpatuloy naman ang pag-aaral, nagpatulong sila sa kanilang kamag-anak, at nagtrabaho rin siya bilang helper sa punerarya kung saan humahawak siya ng mga patay.
Ang kaniyang itinanim na pagtitiyaga, pagtitiis at pagpupursige, inaani na niya ngayon sa maganda niyang buhay.
Silipin sa video ang magandang tree house ni Edgardo. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News