Sa unang tingin, aakalain na makukulay na dekorasyon lamang na nakasabit sa mga tindahan ang mga "Dodol." Pero ang totoo, isang uri ito ng kakanin na ipinagmamalaki ng mga Maranao sa Lanao del Norte na bersyon nila ng kalamay.
Sa “Dapat Alam Mo!” sinabing kilala ang bayan ng Baloi sa paggawa ng Dodol, kung saan marunong gumawa nito ang halos lahat sa kanilang lugar.
Isa si Raima Batara sa mga gumagawa ng Dodol, na nagsimula noong 15-anyos pa lamang siya.
“Naisipan kong gumawa ng negosyo para lang matulungan ko ‘yung asawa ko sa pagnenegosyo at libangan din,” sabi ni Batara.
Tatlo lamang ang sangkap sa paggawa ng Dodol: Niyog, asukal, at tapong, o itim at malagkit na bigas.
Sagana ang Lanao del Norte sa durian, kaya hinahalo rin nila ito sa paggawa ng Dodol tuwing anihan, na nagbibigay ng karagdagang tamis sa kanilang kakanin.
Makalipas ang tatlong oras na paghahalo, ilalagay na nila ang Dodol sa pinatuyong dahon.
Kadalasan itong hinahatid sa Marawi o sa Maynila.
Nagkakahalaga ang malalaking Dodol ng P200 at P100 ang maliit. Mayroon ding tig P50 at P25.
Isa rin ang Dodol sa mga popular na inihahain tuwing Iftar o pagkain ng mga Muslim tuwing Ramadan.
Ayon sa isang food historian, hindi orihinal na nagmula sa Mindanao ang naturang uri ng kakanin.
“It's a popular delicacy in Malay and Indonesian countries. Typical ‘yan na Malayan cuisine,” sabi ni Nancy Lumen.
“It's more of agricultural because abundant tayo sa coconut milk, coconuts, and also sugar and rice,” dagdag pa niya.
Nagsisilbing “antidote” ang Dodol na matamis ang lasa, kapag nakakain ng maanghang.
Kayang tumagal ng Dodol ng 15 araw dahil na rin sa tagal ng pagluluto nito.
Ang Dodol ay salamin sa mayamang kultura ng mga Maranao at Muslim sa Mindanao. -- FRJ, GMA Integrated News