Marami sa pamilyang Pinoy na wala na ang mga magulang kapag sumapit sa senior age ang mga anak. Pero sa isang bayan sa Benguet, tila pangkaraniwan na inaabutan ng mga anak na buhay pa ang kanilang mga magulang kapag naging senior citizens na rin sila.
Sa programang "Pinoy MD," ipinakilala si Lola Kinay, 103-anyos na mula sa Kapangan, Benguet. Mayroon siyang tatlong anak na sina Rosita, Lilia at Rosemarie.
Ang dalawa sa mga ito, senior citizens na rin: 74-anyos na si Rosita, habang 67-anyos naman si Lilia. Habang si Rosemarie, dalawang taon na lang at magiging senior na rin.
May isang kapatid din si Lola Kinay na 87-anyos na kaniya pa ring nakaka-chikahan.
Dating magsasaka si Lola Kinay. Pero kahit tumigil na siya sa paggawa sa bukid, kayang-kaya pa rin niyang kumilos, maglakad at magtahi.
Ang mga gawain sa bukid, sina Lilia at Rosemarie naman ang gumagawa kahit may edad na rin sila. Kayang-kaya rin nila na magbuhat ng mabibigat na bagay.
Si Rosita, nagbawas ng gawain dahil nakaranas ng mild-stroke. Pero kahit nagkaroon ng sakit, patuloy pa rin niyang iginagalaw ang katawan na payo rin ni Lola Kinay.
Sa datos ng Department of Social Welfare and Development- Cordillera, nangunguna ang Benguet sa rehiyon pagdating sa dami ng may living centenarians noong 2022.
Sa bayan ng Kapangan, halos pitong porsiyento ng old population nito o 205 katao ang nasa edad 80 hanggang 100.
Ano kaya ang sikreto ng mga tao rito para magkaroon ng mahabang buhay at malakas na pangangatawan kahit may mga edad na? Tunghayan sa video ng "Pinoy MD" ang kasagutan. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News