Dahil sa kaniyang pagiging payatot noon, tinutukso na “isang ubo na lang” at “mukhang bangkay” ang isang 22-anyos na babae. Ngunit dahil sa malusog na pamamaraan para madagdagan ang timbang na tinatawag na "bulking," fit at healthy na siya ngayon. Paano nga ba ito ginagawa?
Sa nakaraang episode ng “Pinoy MD,” ipinakilala si Xianne May Lagmoy, na nasanay sa pambu-bully sa kaniya noong high school dahil sa payat niyang pangangatawan.
“Dumating na rin po sa punto na ‘yung teacher ko na po ‘yung pumuna sa pagkapayat ko. Sinasabi niya na paano ako makakasabay sa mga classmates ko kung sobrang payat ko at mahina ako,” sabi ni Lagmoy.
Umabot sa 39 kilos ang kaniyang pinakamababang timbang, na mababa sa 50 kilos na mainam para sa taas niyang 5’2.
Paliwanag ng lifestyle medicine expert na si Dr. Jansen Calalan, posibleng may underlying condition ang isang tao kung hirap siyang magdagdag ng timbang gaya ng hyperthyroidism, o mabilis ang metabolismo.
Dahil sa bullying, na-diagnosed din si Lagmoy ng major depression at severe anxiety disorder, kaya gumamit siya ng antidepressants.
Hanggang sa madiskubre ni Lagmoy ang bulking, na pagdagdag sa calorie intake ng tao kasabay ng workout at weight training.
Ayon kay Dr. Calalan, ang bulking ay ang pagbuo ng muscles na hindi lamang para magdagdag ng timbang kundi puwede rin sa bodybuilding.
Kadalasang ginagamit ang bulking sa mga pasyente na underweight.
“During weight lifting, ang muscles nag-a-adapt ‘yan. Muscles will adapt to the weight that they can, so lalong mas mabigat ang muscles that will bulk up, it will create more muscle fibers, it will be stronger,” sabi ni Calalan.
Para sa bulking, kinakailangan ng resistance exercises o pagbubuhat ng weights.
Tatlong beses kada linggo kung mag-workout si Lagmoy.
Mula sa dating 39 kilos, nasa 52 kilos na ngayon si Lagmoy, na ideal weight at eksakto para sa kaniyang taas.
“For example sa course ko po, dati po hindi ako nakakapagbuhat ng pasyente. Ngayon po kaya ko nang magbuhat ng pasyente,” sabi ni Lagmoy. -- FRJ, GMA Integrated News