Inihayag ni Miguel Tanfelix na hindi niya inasahan ang pagsikat ng kaniyang inang si Mommy Grace, na kinagiliwan dahil sa linya nitong "OK na 'to" sa pagluluto. Ipinaliwanag naman ng celebrity mom kung bakit niya naisipang sabihin ang naturang salita bilang closing spiels sa kaniyang video.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes, binalikan nina Miguel at Mommy Grace ang pagsisimula ni Mommy Grace na makilala ng netizens dahil sa kaniyang dance videos kasama ng anak sa social media.
Ngunit mas naging viral si Mommy Grace dahil sa kaniyang linyang "OK na 'to" sa kaniyang cooking videos.
"Ako hindi ko talaga in-expect kasi dati, sinimulan namin noong pandemic, parang wala lang, parang katuwaan lang. Tapos nag-hit 'yung kaldereta," kuwento ni Miguel.
"Pinaka-recent 'yung naging trending 'yung 'OK na 'to,' doon talaga nag-skyrocket. Minsan nga, si Mommy na 'yung hinahanap, hindi ako eh. 'O asan ang mommy mo?'" sabi ng "Batang Riles" leading man.
Si Mommy Grace naman, may paliwanag kung bakit "OK na 'to" ang kaniyang linyahan habang nagluluto.
"Hindi ko rin po in-expect 'yun kasi 'yun din naman po talaga 'yung sinasabi ko every time na matatapos akong magluto. So why not gamitin ko ito, since hindi ako nagsasalita. Kasi sabi ng mga tao, 'Pipi yata itong si Mommy Grace,'" kuwento niya.
"So siguro kailangan magsalita ako, kailangan ko ng closing spiels," dagdag ni Mommy Grace.
Pag-amin naman ni Mommy Grace, hindi siya kumportable at nahihiyang magsalita sa harap ng camera, kaya mas mainam na ipakita niya na lang ang kaniyang recipes.
"Gusto ko lang na mas madaling masundan ng mga tao 'yung recipes ko, kasi 'pag marami pang sinasabi baka mag-complicate," aniya.
Kung bakit naman marami siyang magluto, ipinaliwanag ni Mommy Grace na malakas sa ulam ang pamilya nila ni Miguel, at kaunti lang silang magkanin.
"Alam niyo po 'yung 'Pangat'? Pangatlong init," biro naman ni Miguel. Minsan kasi umaabot ng breakfast 'yung kinakain namin. 'Pag may natira, para hindi na rin magluluto, same ng lunch and dinner, isasangag sa breakfast." -- FRJ, GMA Integrated News