Dumiretso na sa pagla-live selling ang isang residente matapos dumagsa ang sangkatutak na isda na kanilang hinuli nang walang kahirap-hirap sa isang ilog sa Dingras, Ilocos Norte.
Sa ulat ng GMA Regional TV, na iniulat din ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing madali na ang paghuli sa mga isda at tila pinupulot na lamang ng mga residente sa ilog.
Kabilang sa kanilang mga nahuli ang mga karpa, tilapia at dalag, na ibinibenta sa halagang P130 hanggang P300 kada kilo.
Nakahuli rin sila ng pang-kilawin na sinampolan kaagad ng isang residente at kinain on the spot.
Samantala, nag-crave naman ng inihaw na isda ang mga nanonood sa live. Dahil dito, marami ang nagpa-reserve at kinuha na lang ang kanilang order sa bahay ng mga nanghuli.
Sinabi ng mga residente na talagang dumarami ang mga isda sa ilog tuwing mainit ang panahon.
Umabot sa 170 kilos ang nahuling isda sa araw na iyon.
Sumabay din ito sa pista ng kanilang bayan kaya naman damang dama ang selebrasyon hanggang sa ilog. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News