Naaresto sa Malaysia ang kapatid at itinuturong utak sa pagpatay sa negosyanteng si Dominic Sytin noong 2018. Ang suspek, may pabuyang P10 milyon para sa kaniyang ikadarakip.
Sa inilabas na pahayag ng Police Regional Office 3 (PRO-3) nitong Huwebes, sinabing nadakip ang suspek na si Alan Dennis Lim Sytin, sa Petaling Jaya, Selangor, Malaysia, noong Marso 22 sa tulong ng Royal Malaysia Police (RMP).
“[Alan Dennis Lim Sytin], who carried a P10 million bounty on his head, was the alleged mastermind behind the 2018 murder of his brother, Dominic Sytin, the President and Founder of United Auctioneers Inc,” ayon sa PRO-3.
BASAHIN: Malapitang pagbaril sa isang negosyante sa Subic, huli sa CCTV
“He was arrested in a joint operation by the Office of the Police Attaché (OPA) in Malaysia, the Special Branch of the RMP, and IPD Petaling Jaya RMP on March 22, 2025, at 5:42 PM at the Cobra Rugby Club,” dagdag pa ng PRO-3.
November 28, 2018, nang barilin ng hitman na si Edgardo Luib, ang biktima sa harapan ng isang hotel sa Subic Bay Freeport.
Naaresto kinalaunan si Luib, at nahatulan sa naturang pagpatay sa biktima. Ikinanta rin niya na si Alan Dennis umano ang nasa likod ng pagpatay kay Dominic.
Inaasikaso na umano ng pulisya ang pagpapauwi kay Alan Dennis para paharapin sa kasong pagpatay sa kaniyang kapatid.
Kasabay nito, naaresto naman sa Iligan City noong March 22, ang isa pa umanong kasabwat sa krimen na si Edrian T. Rementilla, na kilala rin bilang si “Ryan Rementilla” at “Oliver Fuentes.”
“Rementilla, who had been evading authorities for years, was arrested on March 22, 2025, at around 10:30 PM in Purok 16, Buhanginan Hills, Pala-o, Iligan City,” saad ng PRO-3 sa hiwalay ng pahayag.
Sinabi ni PRO-3 chief Police Brigadier General Jean Fajardo, na ang pagkakadakip sa dalawang suspek ay pagpapakita na mananaig ang hustisya. Binigyan-diin niya ang kahalagahan ng international cooperation para mahuli ang mga nagtatago sa batas.
"You can run, but you can never truly hide. These arrests prove that no matter how long it takes, justice will always prevail. Let this be a strong message to all criminals—there is no escape. The law will find you, no matter where you hide," ani Fajardo.
“This operation highlights the power of international cooperation in bringing fugitives to justice. It sends a strong message that no one can escape accountability, no matter where they flee,” dagdag niya. — mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News