Inihayag ni Mommy Grace Tanfelix na "OK" siya sa lahat ng mga naging nobya ng kaniyang anak na si Miguel. Handa na kaya siya kung sakaling magpakasal ng anak?

Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes, hiningian ni Tito Boy ng komento si Mommy Grace tungkol sa pananaw na "chickboy" umano si Miguel.

"OA po," tugon ni Mommy Grace. "Hindi naman po talaga chickboy 'yan. Mapagmahal lang siguro 'yan," biro niya.

"Naaalala ko po noong bata pa si Miguel, 'pag may mga bisita akong magagandang babae, talagang dumidikit siya. So mahilig talaga siya sa mga magaganda," paglaglag ni Mommy Grace sa anak.

"So hindi siya chickboy?" paglilinaw ni Tito Boy.

"Na-appreciate lang niya 'yung beauty," tugon ni Mommy Grace.

"Appreciative lang ako," hirit naman ni Miguel, na kasamang guest sa programa.

Dinepensahan din ni Mommy Grace ang anak na wala umano itong pinagsabay na mga girlfriend.

"Wala po, wala po. Tama ba ako?" pabirong tanong ni Mommy Grace kay Miguel, na natawa sa tanong ng ina.

"Sa pagkakaalam ko, wala po," dagdag niya.

OK sa mga naging nobya ng anak

Wala ring naging masamang tinapay si Mommy Grace sa mga naging kasintahan ni Miguel.

"Honestly lahat po sila, gusto ko. Kasi lahat po sila magalang sa akin. Pinakitaan naman ako nang maayos ng mga maging ex niya," saad niya.

Tila sinubukang hulihin ni Tito Boy si Mommy Grace kung sino ang pinakanagustuhan niya sa mga ex ni Miguel.

"Lahat po sila pareho," tugon ng ina ni Miguel, na tila pinaghandaan na ang isasagot at umiwas magbanggit ng pangalan.

Kung pipili ng isa sa mga naging babae ni Miguel, ito ay walang iba kundi ang kasalukuyang nobya ng aktor na si Ysabel Ortega.

Nagustuhan daw ni Mommy Grace si Ysabel sa una pa lang nilang pagkikita.

"Napi-feel ko na genuine 'yung kabaitan ng bata. And alam ko na sa galaw pa lang niya, family-oriented na," pahayag niya.

Muling niyang inihayag ang boto niya sa dalaga.

"Of course! Sino ba naman ang hindi boboto kay Ysabel?" ani Mommy Grace.

Ngunit pagdating sa usaping kasal, hindi pa raw handa si Mommy Grace na magpakasal na si Miguel.

"Parang huwag muna Tito Boy. Pero kung gusto na niya, why not. Pero kung ako, marami pang puwedeng mangyari sa career niya. Parang nag-i-start pa lang siya. Gusto ko sana mag-focus muna siya sa career," paliwanag niya.-- FRJ, GMA Integrated News