Nahuli-cam ang ginawang paulit-ulit na pagpalo ng isang lalaki hanggang sa mamatay ang isang asong nakatali sa Mandaon, Masbate.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GTV "News State of the Nation" nitong Huwebes, natunton ng grupong Animal Welfare Investigation Project, ang naturang lalaki sa video.
BASAHIN: Aso, patay nang patagain ng tindera sa Subic; laman-loob, lumuwa
Hinihinala ng grupo na ginawa ang video ng kalupitan sa aso para sa content.
“I think it was more for content, and they were trying to mislead kasi yung mga nakapanood dahil yung nag-post ng video, yung address niya kunyari is from Tagum, Davao del Norte,” ayon kay Greg Quimpo, regional director ng Animal Welfare Investigation Project.
Natunton din ng animal welfare advocacy group ang tunay na lokasyon sa pinangyarihan ng pagpatay sa aso sa Barangay Kabitan, at natunton ang suspek.
Ayon pa kay Quimpo, idinahilan umano ng lalaki na hindi niya alam na kinukuhanan siya ng video.
"Pero sabi ko nagsisinungaling ka kasi sa pangalawang hataw mo sa aso tumingin ka dun sa nagbi-video parang sinasabi mo na Ok na ba? Parang ganun yung sabi ko sa kaniya," dagdag ni Quimpo.
Nakausap ng GMA Integrated News ang suspek na hirap umanong magtagalog kaya tumulong ang opisyal ng barangay.
“Kasi sir, yung aso raw nangangagat [nanghahabol] ng mga taong dumaraan, kaya nagawa niya ‘yon… noong nakaraang taon pa 'yan. Nagsisisi nga siya sa ginawa niya. Kasi di naman ito sir nakapag-aral ng ano kaya 'di niya naiintindihan yung batas sa hayop. Kaya sabi niya sir, humingi raw siya ng patawad at hindi na raw niya uulitin,” sabi ni Barangay Captain Junil Azucena.
Sa kabila nito, sinampahan ang lalaki ng reklamong paglabag sa animal welfare act. Kapag napatunayang nagkasala, maaari siyang makulong ng anim na buwan hanggang dalawang taon, at multan na aabot sa P100,000.
Hinahanap na rin ng mga awtoridad ang taong kumuha at nag-upload ng video. — FRJ, GMA Integrated News