Maariing pinabulaanan ni Buboy Villar ang mga alegasyon ng kaniyang dating nobya na si Angillyn Gorens na sinaktan niya umano ito at pinapabayaan ang kanilang mga anak.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras nitong Huwebes, sinabi ni Buboy na ikinagulat niya ang mga pahayag ni Angillyn.
“Dumaan sa buhay ko na ‘yung tatay ko rin, nananakit sa aking nanay. Alam ko po na mali ang manakit ng babae. Mahal na mahal ko ‘yung nanay ko, kaya kahit kailan hindi ko maisipan na saktan siya, malabo po ‘yun,” sabi ni Buboy.
Hinggil naman sa hindi niya umano pagsustento sa mga bata, sinabi ni Buboy na may pag-uusap na sila rito noon ni Angillyn.
“Napag-usapan na po kasi namin ‘yan dati pa. Napag-usapan namin ito nang legal at approved ito ng VAWC last year I think, mahina ako sa taon, pero last year ‘yon. Nakapag-meeting ako with mommy niya at saka ng daddy niya. Nandoon kami, nag-usap kami, sinabi ko talaga kung ano ‘yung kaya ko as a father. Naisarado naman po namin nang maayos ‘yan,” anang Kapuso comedian.
“‘Yung mga ganitong pangyayari, kung iisipin kong mabuti, nakakalungkot,” pagpapatuloy niya.
Mag-iiwan pa rin daw si Buboy ng respeto para kay Angillyn at sasarilihin na lang ang bersyon niya ng kuwento.
“Hindi ako parang manira ng tao. Kasi ‘yan po ‘yung pinakaayaw ko, ‘yung may sasabihin ako sa isang tao na hindi naman po totoo. Kaya ‘yung mga ganun bagay po, pinagdadasal ko na lang po talaga. Kasi una-una po sa lahat, ‘yung mga ganitong usapan, nasa tamang venue po ata dapat.”
Dagdag pa ni Buboy, nakipag-usap na siya sa ina ni Angillyn.
“Siguro 'yung sinasabi po ng utak ko ngayon at damdamin, parang kailangan ko muna siguro magpakalma muna. Ikalma ko talaga 'yung sarili ko. Kasi, nga po, parang kailangan ko kumapit muna siguro sa proseso na ito. Kailangan kong yakapin 'yung sakit at bitawan later on. At andu’n pa rin naman po 'yung magpatawad. Hindi naman po ako gano’ng klase ng tao na 'yung sinasabi ng iba na ‘Sana iayon naman sa ugali,’” paliwanag niya.
Sinisikap pa ng GMA Integrated News na makuha ang reaksyon ni Angillyn sa mga sinabi ni Buboy.
Sa kaniyang social media posts, sinabi ni Angillyn na nakaranas siya umano ng pananakit kay Buboy, pananakal at pagmumura.
“Sinaktan niya ako, kaunting away lang mananakit na [siya] dahil alam niyang hindi ako magsusumbong sa mga magulang ko…” lahad ni Angillyn.
Ayon pa kay Angillyn, minsang ibinangga umano ni Buboy ang kanilang sasakyan, sakay si Angillyn at kanilang anak.
Inakusahan din ni Angillyn si Buboy ng pagpapabaya dahil bihira umanong bisitahin ng komedyante ang dalawa nilang anak at halos dalawang taong hindi nagbigay ng sustento.
“Never niya naalagaan mga anak namin ng isang linggo, laging isang isang araw lang at bilang sa daliri sa buong taon,” lahad ni Angillyn.
Nitong weekend, ibinunyag ni Buboy sa podcast nila ni Tuesday Vargas na “Your Honor” na mayroon siyang non-showbiz partner at mayroon silang walong-buwang-gulang na anak.
Sinorpresa rin si Buboy ng kaniyang partner sa naturang podcast para sa kaniyang kaarawan. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News