Ibinahagi ng historian na si Ambeth Ocampo ang ilang artifacts at memorabilia ng mga bayani na nasa kaniyang pangangalaga. Kabilang dito ang buhok ni Apolinario Mabini at ang pilak na pluma ni Emilio Jacinto na aksidente lang niyang nabili sa halagang P150.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakita ni Ocampo ang isang maliit na babasaging bote na naglalaman umano ng bahagi ng utak ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal.
Una itong nilitratuhan at ipinost online ni Ocampo, na bukod sa pagiging historian ay isa ring kolumnista, propesor at dating chairperson ng National Historical Commission of the Philippines.
Ayon kay Ocampo, hilig na niya noon pa na mangolekta ng mga bagay na may kinalaman sa kasaysayan ng ating bayan.
Nananatili ang kaniyang mga koleksyon sa kaniyang bahay, na nagmistulang isang munting museum.
Dating Benedictine monk si Ocampo na nakamit ang kaniyang doctorate degree in Southeast Asian History sa London.
Estudyante pa lamang, nangongolekta na siya ng artifacts at nahilig sa pagbabasa ng mga libro. Madalas din umano siyang tumambay sa mga art gallery.
Nalitratuhan ni Ocampo ang sinasabing bahagi ng utak ni Rizal sa Ateneo University Archives, kung saan may deskripsyon sa lalagyan na “brain matter.”
“Nakita ko ‘yun kasi sa Facebook ng director ng Ateneo Archives, si Dr. Chas Navarro. Galing ito kay Saturnina Rizal, pinakamatandang kapatid na babae ni Rizal,” sabi ni Ocampo.
Ngunit base sa obserbasyon ni Ocampo, tila hindi iyon utak kundi mga bahagi ng bungo ni Rizal.
Nasa pangangalaga rin ni Ocampo ang isang larawan ng vertebra o bahagi ng gulugod ni Rizal na dinaplisan ng bala sa Luneta.
“Parang bato lang. Meron siyang lamat sa side, doon daw tumama ‘yung bala. Noong tinipon ‘yung kaniyang labi bago nilagay sa ilalim ng Luneta,” ani Ocampo.
Ang aktuwal na bahagi ng gulugod ni Rizal ay nakalagay sa museum ni Rizal sa Fort Santiago sa Maynila.
Ikinuwento pa ni Ocampo na ang ina ni Rizal na si Teodoro Alonzo ay madalas magkuwento tungkol sa kaniyang anak, at binubuksan ang kahon na pinaglalagyan ng labi ni Rizal.
Matapos barilin si Rizal sa Bagumbayan [Luneta], isa sa kaniyang mga kapatid ang pumunta umano sa lugar kung saan siya bumagsak at ipinahid sa dugo ang ilang panyo, at ibinigay sa bawat miyembro ng kanilang pamilya.
Kuwento ni Ocampo, nang maimbitahan siya ng mga kaanak ni Rizal, hinanap niya kung mayroon sila panyo na sinabing may mantsa ng dugo ng bayani.
“Tinawag nila ‘yung mayordoma, ‘Nasaan ‘yung panyong may mantsa [ng dugo] doon?’ Tuwang tuwa pa siya, ‘Alam niyo po may mantsa ‘yan kahapon. Nilabhan ko, kinuskos ko nang husto. Ayan tingnan niyo wala na,’” natatawang kuwento ni Ocampo.
“Nanlambot na ako kasi kung ito na ‘yon, eh wala na siya,” pagpapatuloy niya.
Bukod dito, minsan na ring napasakaniya ang kahon na naglalaman ng mga kagamitan at papeles ni Antonio Luna gaya ng notebook at microscopic objects.
Ipina-xerox niya ang ilang mga papeles ngunit sa kasawiang palad, nasunog ang gallery. Kaya ang mga photocopy lamang ng mga papeles ang naiwan sa kaniya at nasunog ang mga orihinal na kopya nito.
Nasa bahay din ni Ocampo rin ang isa sa mga painting ni Juan Luna, at isang HSBC na tseke na inisyu rito.
May orihinal din siyang kopya ng La Solidaridad mula 1889 hanggang 1895, cedula ni Julian Felipe, passport ni Marcelo H. Del Pilar, kopya ng Malolos Constitution, at maliit na papel na may sulat kamay ng pintor na si Juan Luna.
Taglay din ni Ocampo ang sinturon ni Juan Luna na gawa sa pilak o silver. Nabili niya ito sa isang gallery sa Cubao, kung saan nakita niya ang uniporme ng bayani na puro dugo.
Kitang-kita naman ang pagka-itim ng buhok ni Apolinario Mabini na nasa pangangalaga rin ni Ocampo.
Ibinigay ito sa kaniya ng dating kawani ng National Historical Commission of the Philippines nang hukayin ang labi ni Mabini noong 1980 para alamin kung ano ang dahilan ng pagkalumpo nito.
Hawak din ni Ocampo ang pluma ng “Utak ng Katipunan” na si Emilio Jacinto.
Kuwento ng historian, nakuha niya ang pilak na pluma sa isang antique shop noong 2018 sa halagang nasa P150.
"Sabi niya [tauhan sa shop] 'ay ano po 'yan puro pilak. Tutunawin po 'yan padadala sa Meycauayan.' Ay ganun po ba, puwede ko po bang tingnan," sabi pa daw niya.
"Tapos nakita ko [pluma], ay ang ganda nito. Tinimbang niya, tapos tiningnan niya ang presyo ng pilak, parang lumabas P150.00," patuloy ni Ocampo.
Matapos bayaran, nilinis daw niya ang biniling pilak at doon niya nakita ang ribbon na may nakasulat na premyo para sa poetry at may nakasulat na “Emilio Jacinto Dizon.”
Pinaniniwalaang napanalunan ito ni Jacinto sa poetry competition sa San Juan de Letran.
Ang pluma ni Jacinto, nahahawig sa silver na pluma na pinaniniwalaan naman na napanalunan ni Rizal noong 1879 para sa isang tula.
Ang naturang pluma na sinasabing pag-aari ni Rizal ay ibinigay kay Ocampo ng balo ni Guillermo Tolentino ,na gumawa ng UP oblation. --FRJ, GMA Integrated News