Limang dekada nang nagtitinda ng taho si Mang Felix Endrina, 67-anyos, at dito rin niya itinaguyod ang kaniyang pamilya. Kung dati ay kumikita lang siya ng P500 kada araw sa paglalako sa daan, ngayon, kahit papaano ay nadagdagan na ito sa tulong ng social media at kapag nakuha pa siya sa event.
Sa programang "Pera Paraan," sinabing 30 hanggang 40 kilo ang taho na binubuhat ni Mang Felix kapag naglalako sa kalye.
Dekada 70s pa sinimulan ni Mang Felix ang pagtataho. Kaya naman ang kaniyang mga customer na bata pa lamang noon, inabutan na niya ang kanilang paglaki.
Nabibili ang taho ni Mang Felix sa halagang P20 hanggang P30 kada baso.
Hanggang sa noong 2020, may panibagong nadiskubreng raket si Mang Felix nang imungkahi sa kaniya ng kaniyang mga suki na magtaho-for-rent siya sa mga event.
Agad na kumalat sa social media ang kaniyang mga litrato, at nagkaroon na rin siya ng sarili niyang Facebook page na may 6,000 followers. Ang personal naman niyang page ay meron nang 18,000 followers.
Sa halagang P4,000, puwede nang mag-supply si Mang Felix ng 100 baso ng taho sa isang event.
Maaari ring magdala ng sariling lalagyan para pampasalubong sa buong pamilya.
Ayon kay Mang Felix, sa paglalako niya sa daan, nasa P500 hanggang P800 ang kaniyang naiuuwing kita. Ngunit kapag may event na kumuha sa kaniya, umaabot ang kita niya ng P2,000 hanggang P3,000.
Gayunman, hindi naman daw madalas na maimbitahan siya sa event na kung minsan ay isa o dalawang beses lang sa isang buwan, o kaya naman ay wala.
Dahil sa kaniyang edad, aminado si Mang Felix na nahihirapan na rin siyang maglako dahil sa mabigat din naman ang kaniyang paninda.
Sa event, depende rin ang rate sa layo ng pupuntahan at dami ng tao. Taga-Caloocan si Mang Felix pero nakakarating siya Makati, Tagaytay, Batangas, Antipolo at iba pa.
Dahil sa kaniyang pagtataho, napagtapos ni Mang Felix ang ilan sa kaniyang mga anak.
Alamin ang ilang tips kung paano mas paano pa paiingayin ang mga online page para sa pagnenegosyo.--FRJ, GMA Integrated News