Mula pa noong 1993, patuloy na ang pagtaas ng tubig-dagat sa buong mundo at pitong beses daw na mas mabilis ang nararanasan sa Pilipinas, ayon sa UN Intergovernmental Panel on Climate Change. Kaya base sa pag-aaral, apektado ang Maynila at posibleng lumubog ang ilang bahagi nito sa 2030. Papaano kaya ito maagapan?

Sa ulat ng "Need To Know," inihayag umano ng UN Intergovernmental Panel on Climate Change, na tumataas ng tatlong milimetro kada taon ang sea level.

Sa kaso ng bansa, mas mabilis sa pitong beses ang pagtaas ng tubig sa pagitan ng 2015 at 2020.

Ayon kay Dr. Fernando Siringan ng UP Marine and Science Institute, tataas pa ang dagat sa Manila Bay dahil konektado ito sa West Philippine Sea. Idinagdag niya na may mga datos na nagpapakita na may mga bahagi ng Metro Manila na lumulubog na, at may mga bahagi ring hindi apektado.

Itinuturing dahilan ng pagtaas ng tubig dagat ang climate change, na mas umiinit ang temperatura ng mundo sa nakalipas na dekada dahil sa paggamit ng fossil fuels o enerhiya mula sa kalikasan, tulad ng coal at natural gas.

Sinabi pa ni Siringan na nakadagdag din ng tubig sa karagatan ang pagkatunaw ng ilan pang glaciers sa Arctic at Antarctic, samantalang nagbabago ang lakas ng trade winds na hinahagod ang tubig sa karagatang Pasipiko papunta sa Pilipinas.

Base sa pag-aaral ng Greenpeace East Asia, lumabas na mahigit 39 bilyong dolyar ang posibleng mawala sa ekonomiya ng bansa kapag lumubog ang ilang bahagi ng Maynila sa 2030.

Sa Manila Bay, tumataas na ang tubig ng 13.24 milimetro kada taon.

Sa isang app ng PAGASA, makikita ang mga lugar sa bansa na posibleng lumubog dahil sa pagtaas ng tubig. Base naman sa pag-aaral ng Observed Climate Trends and Projected Climate Change in the Philippines, may pagtaas ng tubig na 5.7 hanggang 7 milimetro sa Pilipinas mula 1993 hanggang 2015.

Sa iba namang pag-aaral, hindi lang pagtaas ng tubig dagat ang sanhi ng paglubog ng isang siyudad, kundi dahil din sa mga natural causes tulad ng fault line.

Malaki rin ang epekto ng paggamit ng ground water sa posibleng paglubog ng lupa.

Dahil dito, nagmungkahi na ang ilang eksperto na i-decongest ang Maynila dahil sa pagiging disaster-prone nito.

Halos 200 bansa naman ang nakiisa sa Paris Agreement para mabawasan ang patuloy na pag-init ng temperature sa buong mundo.

Alamin sa Need To Know ang maaaring magawa para mapabagal ang pagtaas ng antas ng tubig sa dagat sa climate change. Panoorin ang video.--FRJ, GMA Integrated News