Ayon sa Philippine Society of Nephrology, tinatayang 37 porsiyento ang mga kabataan ang may sakit sa kidney o bato sa Pilipinas. Ano nga ba ang mga sintomas at sanhi ng CKD o Chronic Kidney Disease?
Sa programang "Pinoy MD," inihayag ni Dra. Ana Rose Dy-Vicente, Pediatric Nephrologist, Philippine Society of Nephrology, na sa 37% ng mga kabataan na may CKD o acute renal failure, ang common cause sa 27% nito ay glomerular diseases.
Sa pag-aaral ng National Kidney ang Transplant Institute (NKTI) noong 2021, nasa pitong milyon na Pilipino umano ang may CKD.
Inihayag naman ng Department of Health na pang-apat o isa sa mga pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga Pinoy ang CKD.
Ipinaliwanag ni Dra. Dy-Vicente na magkaiba ang pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng problema sa kidney ng mga kabataan at mga nakatatanda.
Ang mga nakatatanda, nagkakaroon ng problema sa bato dahil sa komplikasyon ng iba pang sakit na hypertension at diabetes.
Habang sa mga kabataan, ang maaaring pangunahing dahilan ay ang pagkakaroon ng congenital anomaly sa kidney at urinary tract.
Sa parehong kaso ng mga nakatatanda at mga kabataan, ang pagkain ng mga unhealty foods at maling lifestyle ang nagpapalala sa sakit sa bato.
Gaya ng 15-anyos na si Jam Tudino, na mahilig daw noon sa junk food, sofdrinks, at instant noodles. Nang makaramdam siya na madaling mapagod, madalas pinupulikat, at nagkaroon ng pamamanas, nagpatingin siya sa duktor.
Lumitaw na mataas ang kaniyang creatinine. Ang creatinine ay isang blood test para malaman kung maaayos na gumagana ang kidney ng tao.
Kapag mataas ang creatinine, indikasyon ito na na problema sa bato o renal failure ang pasyente.
Nang masuri noon si Jam, dinala na siya sa NKTI para lagyan ng catheter at isinailalim na sa dialysis, na anim na taon na niyang ginagawa.
Ang 19-anyos na si Quaizy Jelous dela Cruz, apat na taon nang nagpapa-dialysis. Gaya ni Jam, 15-anyos din lang si Quaizy nang maobserbahan ang ilang sintomas ng CKD gaya ng pamamanas, mabilis mapagod, at namumutla.
Hindi raw inakala ni Quaizy na panghabambuhay na ang gagawing niyang dialysis para madutungan ang kaniyang buhay.
Ayon kay Dra. Dy-Vicente, mayroong limang stages ang CKD, na indikasyon na nasira na ang bato ng pasyente. Kapag umabot na ang pasyente sa stage 5, kailangan na siyang magpa-dialysis.
Ang kidney transplant ang kailangan para hindi na sumailalim sa dialysis ang pasyente.
READ: Misis, ibinigay ang isa niyang kidney sa kaniyang mister para madugtungan ang buhay nito
Sabi ni Jam, "Gusto kong mabuhay nang matagal pero minsan kapag nakikita ko nahihirapan si mama para gusto ko na bang sumuko."
Ayon sa programa, dapat iwasan ang sobrang maalat at matatamis na pagkain, gawing healthy ang lifestyle, at regular na magpa-checkup upang malaman kung maayos na gumagana ang mga bato. -- FRJ, GMA Integrated News