Dahil sa aksidente sa trabaho, sa isang iglap, naging pasalisado ang masipag at mapagmahal na ama na si Jepoy. At sa panahon na mahina ang haligi ng tahanan, nananatiling matatag ang kanilang pamilya dahil kasama ng ilaw ng tahanan ang dalawa nilang batang anak upang sama-sama nilang harapin ang pagsubok sa kanilang buhay.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," makikita na bago mangyari ang aksidente, hand-on na ama si Jepoy. Siya ang nag-aasikaso sa dalawa nilang anak na lalaki na sina Gab-Gab, na limang-taong-gulang na ngayon, at si Kuya Jeoff, 12-anyos.
"Kahit po pagkagaling siya ng trabaho, siya na po ang mag-aasikaso po sa mga bata," sabi ni Judliyn, asawa ni Jepoy.
Hindi nakakalimutan ni Gab-Gab kung paano siya alagaan noon ng kaniyang ama.
"Binibili po ako ni daddy ng laruan," ani Gab-Gab. "Nakakapaggala kami diyan sa labas."
Ngunit biglang nagbago ang lahat sa kanilang pamilya noong 2021 nang maaksidente sa trabaho si Jepoy, na lineman sa isang electric company.
Nagtamo ng second-degree burns sa braso at mukha si Jepoy.
"January 1, 'yung iba nagse-celebrate ng New Year. Kami po nasa ospital, iyak po ako nang iyak. Wala po akong ginawa kundi magdasal, sana po maging maayos po yung kalagayan niya," ani Judilyn.
Nagkaroon din ng cardiac arrest si Jepoy kaya naging paralisado siya dahil nawalan ng suplay ng oxygen sa kaniyang utak.
Tumagal sa ospital ng tatlong buwan si Jepoy, at at apat na buwan sa isang home care facility. Ayon kay Judilyn, umabot ang gastusin sa P3.3 milyon na sinagot naman ng kompanyang pinapasukan ng kaniyang mister.
Pero nitong nakaraang Mayo, natapos na ang kontrata ni Jepoy sa kompanya, at natigil na rin ang suporta sa kaniya, ayon kay Judilyn.
Kaya naman malaking problema para kay Judilyn ang paghahanap ng perang pambili ng gamot ng kaniyang mister dahil maliit lang ang kaniyang sinasahod bilang kahera.
"Nu'ng hindi pa po siya naaaksidente sa bahay lang po talaga ako. Ngayon po ako na po 'yung magiging provider po sa amin," anang ginang.
Pagkatapos asikasuhin ni Judilyn si Jepoy, papasok na siya sa trabaho. Ang mga anak naman na sina Gab-Gab at Jeoff ang hahalili sa pag-aalalaga sa kanilang ama.
Magkatuwang na pinapakain nina Jeoff at Gab-Gab ang kanilang tatay Jepoy. At sila na rin ang nagsasagawa ng kailangang therapy ng ama upang magawa nitong maigalaw muli ang kaniyang katawan.
"Nung araw na 'yun, pumunta po kami sa palengke, iniwan po namin si Gab-Gab saka 'yung daddy niya na tulog," ani Judilyn.
"Nagulat kami na sinalubong niya kami sa gate nang nakangiti. Sabi niya 'Mommy! Nabili ko na ng pandesal si daddy. Napakain ko na po siya ng almusal'," kuwento pa niya.
Natutuwa si Judilyn sa nakikita niyang pagmamalasakit ng mga bata kay Jepoy.
"Love na love ko po si daddy," ani Gab-Gab said. "Sana gumaling na po si daddy, para maihatid na po ako sa school."
Anuman ang mangyari, hindi iiwan nina Judilyn, Jeoff, at Gab-Gab si Jepoy.
"Hindi po pumasok sa isip ko na iwanan siya, e, kasi iniisip ko po paano pagka iniwanan ko siya. Sino ang mag-aalaga sa kanya? Kami na po 'yung magiging lakas niya, kami po ng mga bata, sa panahong mahina pa po siya," sabi ni Judilyn.
"Hindi ko po naisip na sukuan si Daddy kasi po gusto ko na po talaga siyang gumaling para hindi na po siya maghirap po nang ganyan," ayon naman kay Jeoff.
Sa kabila ng isipin kung saan sila kukuha ng pambili ng gamot at maayos na therapy ni Jepoy, hindi sila nawawalan ng pag-asa.
"Araw-araw ka naming mamahalin, aalagaan ka namin at pagsisilbihan," sabi ni Judilyn kay Jepoy. "Salamat sa lahat ng pagsakripisyo mo. I love you Daddy, mahal na mahal ka namin ng mga bata."
May mensahe rin sina Jeoff at Gab-Gab para sa kanilang ama ngayong pagdiriwang ng Father's Day.
"Pagbubutihan ko po ang aking pag-aaral hanggang ako po ay makapagtapos. Mahal na mahal ka namin Daddy. Ikaw ang the best na daddy. Happy Father's Day, I love you," sambit ni Jeoff.
"Daddy, may drawing ako nating dalawa. Gumaling ka na po Daddy para makapaglaro po tayo. I love you daddy. Happy Father's Day daddy," ayon naman kay Gab-Gab.
Sa pagdiwang ng Father's Day, hindi napigilan ni Jepoy na maiyak sa tulong na handog ng KMJS at libreng occupational at speech therapy sessions mula sa Philippine Physical Therapy Association. —FRJ, GMA Integrated News