Patay ang apat na pasahero at dalawa ang sugatan matapos sumalpok ang sinasakyan nilang van sa kasalubong na van na nawalan umano ng preno sa Davao City.
Sa ulat ni Rgil Relator ng GMA Regional TV sa 24 Oras Weekend, mapanonood sa CCTV na binabaybay ng kulay gray na van ang inner lane ng Davao-Digos Highway sa Barangay Binugao sa Toril District 7:41 a.m. nitong Sabado.
Ilang saglit pa, bigla na lamang itong tumawid sa innermost na northbound lane ng highway.
Gayunman, hindi ito nakaliko sa kurbada ng highway, kundi dumiretso kaya sumalpok sa isang puting van sa kabilang lane.
Napatigil ang nabanggang puting van sa gitna ng southbound lane ng highway, samantalang napahinto rin ang bumanggang gray na van ilang metro ang layo.
Isa ring itim na SUV na kasunod ng puting van ang kamuntikan pang bumangga sa gray na van, ngunit nakailag sa kabutihang palad.
Kalaunan, iginilid na sa highway ang ilang sugatang pasahero ng nabanggang puting van.
Ilan ang agad na tumulong para magbigay ng paunang lunas.
Agad isinakay ang mga sugatan sa mga dumating na ambulansiya ng barangay, at isinugod sila sa Southern Philippines Medical Center.
"Galing Samal at ang isa galing Digos. Diyan sila nagpang-abot sa Binugao. Tapos 'yun, may casualty, dinala namin sa SPMC," sabi ni Kagawad Rogelio Mayda, head ng BDRRMC Binugao.
Nakaligtas ang driver ng puting van.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang ugnayan ng mga sakay ng puting van.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng Traffic Enforcement Unit na nawalan umano ng kontrol ang driver sa kaniyang manibela kaya siya gumewang patungo sa lane ng kasalubong na puting van.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang nakabanggang driver, na nasa kustodiya na ng TEU.
Sinusubukan pa ng GMA Regional TV na kunan ng pahayag ang pamilya ng mga biktima. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News