Dahil mahal ang magkasakit, hindi biro ang gastos sa pagbili ng mga gamot na puwede na sanang ilaan sa pagkain. Kaya naman labis ang pasasalamat ay may naiiyak pa kapag inilibre sila ng gamot ng isang good samaritan na pharmacist sa Boac, Marinduque na si Arshie Larga. Alamin kung bakit niya ito ginagawa.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala ang good samaritan at content creator na si Arshie, na namimigay ng libreng gamot sa botika na pagmamay-ari ng kanilang pamilya.
Pero papaano pinipili ni Arshie ang ililibre niya ng gamot?
“Nakikipagkuwentuhan muna ako sa kanila para nalalaman ko kung ano ‘yung background ng kanilang buhay. Through gut feeling, alam ko kung paano kilatisin ‘yung isang tao, kung nagsasabi ba siya ng totoo,” kuwento niya.
Graduate si Larga ng BS Pharmacy, na agad nagtrabaho nang makapagtapos sa pag-aaral. Dahil may sariling botika ang kaniyang pamilya sa Marinduque at licensed pharmacist ang kaniyang ina, dito na rin siya nagtrabaho.
Sumusuweldo si Larga ng P15,000 kada buwan sa kanilang botika at hawak pa niya ang sarili niyang oras.
Nakilala na rin si Larga sa paggawa ng mga educational video tungkol sa mga gamot na pinopost niya sa Tiktok.
Taong 2021 nang maraming tao ang nag-post ng kanilang mga QR code, at isa si Arshie sa mga nakiuso. Ngunit nagulat siya nang isang araw, may nagpadala sa kaniya ng donasyon.
Dahil dito, nakalikom si Larga ng P3,000 hanggang P4,000.
Sa halip na gastusin para sa sarili, naisip niyang gawin itong pondo para manlibre ng gamot at tingnan kung ano ang magiging reaksyon nila.
Sa likod nito, nakita ni Larga kung gaano kahirap ang ilang mga kababayan na makabili ng gamot.
Para maging transparent sa mga nagpapadala sa kaniya ng pera, naglalabas si Arshie ng financial report tungkol sa kaniyang ginagawa.
“Masarap po sa pakiramdam na nakakatulong ka lalo na kapag deserving ang tao na tulungan,” sabi ni Larga.
Kasama ang “KMJS,” dinala ni Arshie sa Maynila ang mabuti niyang ginagawa at dito naman siya namigay ng gamot.
Isang botika na malapit sa isang pampublikong ospital ang kanilang ginamit.
Tunghayan ang reaksiyon ng mga taong kaniyang inilibre at may isang lalaki pa na naiyak dahil hindi niya inasahan na may katulad ni Arshie na may mabuting kalooban. Panoorin ang video. --FRJ, GMA Integrated News