Laging bukas ang pintuan ng Panginoong Diyos para sa pagbabalik ng Kaniyang "alibughang" anak (LUCAS 15:1-3, 11-32). “Sapagkat namatay na ang anak kong ito, ngunit muling nabuhay. Nawala, ngunit nasumpungan muli."
MAY kasabihan na “kung ang aso, hinahanap, tao pa kaya?” Pumapatungkol ito sa kahalagahan ng mahal natin sa buhay kapag biglang umalis--kahit pa itinuturing sakit ng ulo o pabigat sa pamilya-- pero kailangan pa rin namang hanapin at bigyan ng pagpapahalaga kapag nawala.
Marahil, mahirap maunawaan ng iba kung bakit natin minamahal o iniibig ang isang tao kahit marahil ay hindi kanais-nais ang kaniyang ugali. Pero hindi ba mahal pa rin naman natin ang alaga nating aso kahit sinasabi ng iba na hindi naman ito maganda?
May kakulangan o kapintasan man ang mahal natin sa buhay, hindi natin maiaalis na mahalaga at nagmamalasakit pa rin tayo sa kanila.
Ganito ang nararamdaman ng ating Panginoong HesuKristo para sa ating mga makasalanan. Sa kabila ng ating mga kakulangan, karumihan at kapintasan ay nagawa pa rin Niya tayong mahalin. Tinatanggap Niya ang ating kahinaan kaya lagi Siyang nakahandang magpatawad.
Ito ang matutunghayan sa kuwento ng “Ang Alibughang Anak” (LUCAS 15:1-3, 11-32), na tungkol sa isang anak na naglayas sa poder ng kaniyang magulang, at nang mapagtanto niya ang kaniyang nagawang pagkakamali at kasalanan, muli siyang nagbalik sa kaniyang ama.
At sa kabila ng kaniyang mga ginawa, nagawa pa rin ng kaniyang ama na patawarin siya. Hindi galit o poot ang naramdaman ng ama nang makita ang kaniyang alibughang anak. Sa halip, habag ang umiral sa puso niya. Katulad ng awa na naramdaman ni Hesus para sa ating mga makasalanan. (LUCAS 15:20-24).
Mababasa natin sa Ebanghelyo na lumayas ang anak sa poder ng kaniyang ama matapos nitong makuha ang parte ng kaniyang mana. Makalipas ang ilang araw ay ipinagbili nitong lahat ang kaniyang ari-arian at nagtungo sa malayong lupain at nilustay ang lahat ng kaniyang salapi.
Nagpakasaya siya sa buhay na tila isang hari. Ginawa ang lahat nang naisin niya kahit pa makasalanan. (LUCAS 15:13). Ngunit nang dumating ang panahon na naubos ng anak ang lahat ng kaniyang kayamanan, nakaramdam siya ng matinding gutom. Dito niya napag-isip-isip at napag-nilay-nilayan ang kaniyang malaking pagkakamali na nagawa sa kaniyang ama.
Minsan, gaya ng nangyari sa anak, sa ating buhay ay makararanas tayo ng pagkadapa. Doon natin napagtatanto at nauunawaan ang ating mga nagawang pagkakamali. Unti-unti, matatauhan at nagigising tayo sa katotohanan. (LUCAS 15:17)
Kapag nasa panahon tayo ng tagumpay o kasaganahan, gaya ng anak sa kuwento, nakakalimutan natin ang ating mga magulang. Ang tanging nasa isip natin ay sarili. At kung minsan, nakagagawa tayo ng hindi kanais-nais sa paningin ng Panginoon.
Sa kabila ng ating mga kasalanan at pagkakamali, gaya ng ama sa kuwento, hinihintay din ng Panginoon ang ating pagbabalik. Nasasabik Siya sa ating pagbabalik-loob at nakahanda pa rin Niya tayong tanggapin at patawarin anomang oras na tayo ay magsisi. (LUCAS 15:20)
Hindi mahalaga sa Panginoon ang ating kasalanan at karumihan. Ang pinahahalagahan ng Diyos ay ang ating pagpapakumbaba at pag-amin sa ating mga naging kahinaan. Sa oras na magbalik-loob tayo sa Kaniya, hindi Niya isusumbat ang mga kasalanan na ating nagawa.
Itinuturo sa atin ng Pagbasa na laging nakabukas ang pintuan ng Panginoon para sa lahat ng makasalanan na nais magsisi. Hinihintay Niya ang iyong pagbabalik. AMEN.
--FRJ, GMA Integrated News